Ibinabalik ng gurong si Rommel Santos ang tinanggap na cash assistance. Photos courtesy of Jimmy Mangalindan
LUNGSOD NG BALANGA — Isang guro at dalawang barangay tanod ang nagsauli ngayong Lunes ng kanilang tinanggap na financial assistance na halagang P6,500 mula sa Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development.
Ang mga nagsauli ng kanilang pera sa City Social Welfare and Development Office ay ang gurong si Rommel Santos ng Barangay Lote at mga tanod na sina Mark De Leon at Richard Salaveria ng Barangay Tortugas, mga barangay ng lungsod.
Sinabi ni Santos na nag-apply ang kanyang asawa ng SAP sa pangamba na bilang probationary teacher ay hindi siya makasahod.
“Ngayon, nabigyan naman kami pero nagpasya kami na isauli ang pera para sa mas nangangailangan,” sabi ng guro.
![](https://punto.com.ph/wp-content/uploads/2020/05/23E5BA81-8ED3-4974-A31D-97A9D1BA8FD5-1024x858.png)
Sinabi naman nina De Leon at Salaveria na mga benepisyaryo sila ng 4Ps at akala nila ang perang tatanggapin ay hazard pay sa kanilang pagiging frontliners.
“Pero nang malaman namin na sa SAP ito, isinauli namin,” sabi ng dalawang barangay tanod.
“Kailangan ko rin pero may mas nangangailangangibang tao,” dagdag ni Salaveria.