Nangangatwiran pa ang mga nahuling nag-iinuman nang dalhin sa istasyon ng pulisya. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Tatlong tumanggap cash mula sa Social Amelioration Program at isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang inaresto ng pulisya dahil sa inuman na mahigpit na ipinagbabawal sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.
Kinilala ang mga naaresto na sina Emilio Facto, 31; Tomas Roxas, 63; Mario Arca, 60, pawang mga SAP beneficiaries, at Restituto Jimenez 41, na miyembro naman ng 4Ps, na mga residente ng Barangay Mojon.
Ayon kay PSSG Jeffrey Jamilla, arresting officer, namataan nila ang mga kalalakihan na nag-uumpukan at walang mga suot na face mask.
Kanila itong nilapitan para sitahin ngunit agad na nagtakbuhan ang mga ito. Dahil doon ay hinabol ng kapulisan ang apat hanggang sila’y masakote.
Ani Jamilla, sa kanilang pag-iimbestiga ay umamin ang tatlo na nakatanggap ng ayuda o SAP sa DSWD at ang isa ay miyembro naman ng 4Ps.
Aminado din ang mga suspek na sila ay nag-iinuman ngunit pawang mga napatagay lang daw nang mapadaan sa lugar.
Ang apat ay kasalukuyang nakaditene sa Malolos Police detention cell at mahaharap ng mga kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as On Act.