LUNGSOD NG MALOLOS — Isang sanggol na lalakeng 7-buwan gulang ang nagpositibo sa coronavirus sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Joy Gomez, provincial health officer, ang sanggol mula sa bayan ng Bocaue ay nagpositibo sa coronavirus kahapon, Abril 29, matapos makitaan ng mga sintomas na pag-ubo, lagnat at LBM.
Ang ina naman ng bata na nakitaan ng pneumonia sa resulta ng X-ray ay nag-negatibo naman sa ginawang rapid test ngunit sinalang na rin sa swab test upang tuluyang kumpirmahin kung talagang negatibo ito sa Covid-19 ngunit wala pa ang resulta nito sa ngayon.
Sa kasalukuyan ay naka-quarantine na ang buong pamilya ng nasabing sanggol na nasa isang compound at ang lahat ay kinuhanan na rin ng specimen para sa Covid-19 testing.
Bukod sa nasabing sanggol ay isa pang 49-anyos na lalake mula naman sa Guiguinto ang nagpositibo din sa coronavirus kayat nasa 114 na ang confirmed cases ng Covid-19 sa lalawigan.
Samantala batay sa talaan sa kasalukuyan ay 19 ang recovered cases, 24 ang namatay, habang 150 ang probable cases, at 655 ang suspect cases ng coronavirus sa lalawigan.