Ang Bulacan Medical Center extension building na ginawang centralized quarantine facility. Kuha sa Facebook
LUNGSOD NG MALOLOS — Umakyat na sa 17 ang kasalukuyang bilang ng mga recovered patients ng Covid-19 sa Bulacan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Bulacan Provincial Health Office, apat ang nadagdag sa bilang ng mga pasyenteng gumaling mula sa naturang sakit.
Ito ay sina PH913 at PH2218 mula sa Bocaue, PH2955 mula sa San Jose Del Monte at PH4497 mula sa Malolos.
Samantala, 109 na ang bilang ng confirmed COVID-19 cases sa lalawigan at naidagdag sa talaan ang isang 23-anyos na lalake mula sa San Jose Del Monte at isang 48-anyos na lalake mula sa Bocaue.
Ayon din sa talaan, 24 na ang namatay dahil sa coronavirus at 173 ang probable cases at 556 ang suspect cases.
Ayon naman kay Gov. Daniel Fernando, sa Biyernes ay gagamitin na ang extension building ng Bulacan Medical Center bilang centralized quarantine facility ng mga probable at suspected Covid-19 patients.
Ang tatlong palapag na gusali ay may 250-bed capacity. Ani Fernando, maiiwasan ang pagkalat ng virus kung mapapagsama-sama sa nasabing quarantine facility ang mga may sintomas ng naturang sakit.