Todo-sarado ang Olongapo City District Jail. Kuha ni Johnny R. Reblando
OLONGAPO CITY — Nasa ilalim pa rin ng total lockdown ang Olongapo City District Jail mula ipatupad noong March 17 ang enhanced community quarantine.
Sa isang panayam kay jail warden Col. Nanding Bayle, isinailalim sa total lockdown ang buong piitan para masiguro ang kaligtasan ng mga nakabilanggo at hindi na rin pinapayagan pang makalabas ng compound maging ang mga empleyado ng district jail at ipinagbawal na rin ang dalaw at papapasok ng pagkain sa mga preso.
May itinalaga nang tauhan na kasama sa alert response team na siyang gumagawa ng logistical at transaction activities na kailangan sa loob at labas, ang mga ito ay sa labas ng gate ng bilangguan inaabot na lamang.
Mahigit na ring isang buwan hindi nakakalabas ang mga ito para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Ayon pa kay Bayle, naglagay na rin sila ng electronic o e-dalaw, ito ay pwedeng gamitin para kumustahin ng mga kamag–anak ng preso sa pamamagitan ng “messenger”.
May apat na cellphone na naka standby na pwedeng gamitin para kumustahin ng mga preso ang kanilang mga mahal sa buhay matapos ipagbawal ang dalaw, pagdadala ng pagkain at ibang gamit ng mga preso
Mahigpit ding ipinapatupad ang pagsuot ng face masksa mga preso habang nasa loob ng piitan.
Dagdag pa ni Bayle na wala namang naitalang may sintomas ng Covid-19 isa man sa mga preso, bagamat sinabi nito na may bilang na 67 bilanggo ang nasa isolation cell ng Olongapo City District Jail.
Batay sa talaan ng district jail may humigit kumulang sa 900 na lalaki at 200 babae na may ibat-ibang kaso ang nakakulong sa nasabing bilangguan.