Ipinapakita ng mga pulis ang kanilang nakuha mula sa Anakpawis. Photo courtesy Norzagaray Police
NORZAGARAY, Bulacan — Arestado ang pitong miyembro ng Anakpawis kasama ang dating congressman nito matapos umanong lumabag sa enhanced community quarantine sa Barangay Bigte nitong Linggo ng hapon.
Unang naaresto ang anim na kinilalang sina Karl Mae San Juan, 29, residente ng Project 6, Quezon City; Marlon Lester Gueta, 26, ng Barangay 172 1422, Caloocan City; Roberto Medel, 52, ng Kamias Quezon City; Eriberto Peña Jr, 60, ng Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan; Raymar Guavez, 21, ng Bahay Toro, Project 8, Quezon City; at Tobi Estrada, 22, ng Malingap St., Quezon City.
Bukod sa anim ay kasama na rin sa inaresto si dating Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao matapos umanong magpakilalang incumbent congressman nang puntahan ang mga naaresto sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa ulat, ang anim na mga suspek ay sakay ng kulay berde na jeepney na may plate number ZNH 869 patungong Kalye 11, Barangay Bigte, Norzagaray, Bulacan nang parahin ng mga otoridad sa checkpoint doon at walang maipakitang mga kaukulang dokumento.
Nang inspeksyunin ng Norzagaray police ang sasakyan ng grupo ay doon nakita ang 50 food packs at mga anti-government materials kasama ang tarpaulin na may nakalagay na “SAGIP KANAYUNAN” at “ULONG ANAKPAWIS”.
Ayon kay Norzagaray chief of police Lt. Col. Jaime Quichio, lumilitaw sa imbestigasyon na dalawa sa mga naaresto ay mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines.
Kaugnay nito matapos maaresto ang anim ay agad daw na nagpunta sa istasyon ng pulis si Casilao para tulungan ang mga nahuli.
Ngunit nagpakilala umano sa pulisya si Casilao bilang incumbent congressman ng partylist ngunit nang beripikahin ay nabatid hindi ito nakaupong mambabatas kasalukuyan.
Dahil dito ay agad din na inaresto si Casilao at nakasama sa kinasuhan.
Depensa naman ni Casilao dahil dati siyang mambabatas ay tinatawag siyang “Cong” na bansag sa isang congressman na kanya namang ginamit na pagpapakilala kay Quiocho.
Lehitimo umano ang mga dokumento na nasa sasakyan ng anim na inaresto.
Mensahe niya sa gobyerno ay huwag silang ituring na kriminal dahil sa patuloy na pagkabit sa kanila bilang komunista o red tagging.
Nitong Lunes, sa pamamagitan ng online inquest ay sinalang na sa inquest proceedings ang mga naaresto dahil sa kasong paglabag sa ECQ at karagdagang kaso naman na usurpation of authority laban kay Casilao.
Ang mga ito ay nakapiit ngayon sa Norzagaray Municipal Police Station.
Samantala, kaugnay nito ay nagtungo sa himpilan ng Norzagaray police ang Commission on Human Rights Region 3 sa pangunguna ni CHR Legal officer Atty. Joan Andrada para alamin daw ang detalye ng inisidente para sa kanilang gagawing sariling imbestigasyon.