KUNG ganitong hanggang sa oras na ito
di pa nakatanggap mula sa gobyerno
ng tulong pinansyal itong apektado
r’yan ng ‘total lockdown’ sanhi ng ECQ;
Kundi ng sabi ay tatlong kilong bigas,
ilang pakete ng ‘noodles’ at sardinas
na di na nasundan… ito ba ay sapat
para makaraos ang isang mag-anak?
Sa kahit dalawang araw na pagkain
anumang gawing pagtitipid marahil
ng nabigyan, kaya mapilitan ding
lumabas kahima’t may ‘social quarantine’.
At dahil ‘selective’ din ang pamimigay
ng ayuda o ng tulong na pinansyal,
ang di makatanggap ay natural lamang
na maghanap ng kanyang ikabubuhay.
Ikaw man bang ito na nagtra-tricycle,
ay di mo magawang labagin ang ‘Order,’
bawal pumasada ay di mapilit, Sir
na maging pasaway ang walang makain?
Kaya nga sakali’t itong ‘total lockdown’
ay i-extend uli ni Pangulong Digong,
partikular sa Maynila’t buong Luzon,
maraming daranas ng matinding gutom;
At maaring bago humantong sa ganyang
sikmura ng anak, na nag-iiyakan,
itong kumalam ay sinong magulang d’yan
ang hindi isugal ang sariling buhay?
Para may makain ang kanyang pamilya,
sukdang makagawa ng pagkakasala;
gaya ng magnakaw, mangholdap, liban sa
panloloob na mas matindi ang bunga.
Kaysa sa COVID-19 nga naman matigok nang walang laban kung di siya kikilos
upang ang pamilya niya’y mairaos
sa matinding krisis at paghihikaos.
Tama’t may ayuda na ipinangako
ang gobyerno pero hanggang ngayon bigo,
itong di maalam kung papano nga po
n’yan makukuha ang ‘relief’ na napako.
Kaya kahit batid ng marami itong
hinggil sa ECQ, saka ‘total lockdown,’
nagagawa nilang suwayin si Digong
bunsod nitong walang makain ni tutong!
Bagama’t simple lang itong kautusan,
na hangga’t maari ay ating iwasan
ang lumabas muna may akmang paraan
upang ang problema ay masolusyonan.
Sapat na pagkain para sa lahat na,
kung saan ang mayrun ay di na kasama
na kagaya nitong nakikisawsaw pa,
sa kapiranggot na tulong na pangmasa.
At itong ECQ at ang ‘total lockdown,’
gawin nang ‘selective,’ at kung saan itong
negatibo na sa ‘virus’ na ‘other towns,’
ibukod na… yan ang ‘effective solutions’;
Nang sa gayon itong umaasa lamang
sa ayuda’t kaunting tulong na pinansyal
ng gobyerno, puede nang magsilabas yan
upang harapin ang dating hanapbuhay…