Kasama sa ipinamamahaging relief goods ang mga punla ng kamatis at talong sa Barangay Pagas. Pinadalang litrato
CABANATUAN CITY – Sa sunod-sunod na pagbibigay sa kanila ng bigas ng barangay at pamahalaang lungsod, pang-ulam na lamang ang ihahanda ng mga residente ng Barangay Pagas dito.
Ngunit hindi lamang ang dressed chicken mula sa city government ang nakapagbigay sigla sa kanila kundi ang ilang inihahatid rin ng sangguniang barangay sa pamumuno ni chairman Christopher Lee, kabilang na rito ang mais na panggisa na may kasamang panahog na chicharon at malunggay nitong Linggo.
Para kay Celia, residente ng barangay, higit pang nakatutuwa ang kasama ng pang-ulam na inihatid sa bahay-bahay. Ito ay ang mga punla ng kamatis at talong.
“Magandang idea, magtanim habang quarantine,” ani Celia na naniniwala na sa ngayon ay hindi usapin ang gutom sa kanilang lugar sa gitna ng umiiral ng Luzon-wide enhanced community quarantine.
“Walang gutom sa Pagas,” saad niya.
Naniniwala si Lee na sadyang masisipag ang kanyang mga kabarangay upang magtanim ng gulay sa kanilang bakuran, katulad noong bago pa man ilatag ng pamahalaan ang ECQ.
Ipinagpapasalamat niya ang disiplina at pagkakaisa ng kanyang mga kabarangay sa paglaban sa krisis.
Kung sakali, aniya, na mayroong kapusin dahil walang trabaho at wala talagang makain ay lagi siyang handang tumulong.
“Please wag kang matulog na walang laman ang tiyan mo. Huwag kang mahihiya, mag–alinlangan o matakot na mag private message sakin. Hindi naman ako mayaman pero I will be more than happy to share whatever food I have,” sabi ni Lee sa kanyang social media post.
Tinuruan daw siya sa kanyang paglaki na ang makakain ng isang tao ay maaaring pagsaluhan ng dalawa.
Sa Gapan City, matapos magpamahagi ng tig-50 kilo na sako ng bigas sa mahigit 34,000 na sambahayan ay pinangungunahan ngayon ni Mayor Emerson Pascual
ang distribusyon ng pang-ulam sa kakaibang paraan: ang mga residente ay maaaring mamili sa ham, hotdog, tocino, skinless longanisa at chicken marinado.
“Huwag kayo magpapasalamat pera ng Gapan ibinabalik lang sa tao. Mahal ko kayo…,” sabi ni Pascual.
Sa lungsod na ito, ang pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Myca Elizabeth Vergara ay 30 kilong bigas at isang dressed chicken ang ipinamahagi sa may 103,000 pamilya, ayon sa City Information and Tourism Office.
Ayon kay Vergara, pinagkalooban lahat ng pamilya, maging ang mga nakaririwasa.
Sa isang video gayunman ay hinikayat ni Vergara na sinuman na hindi nangangailangan ng food asistance na sila na mismo ang magbahagi nito sa kanilang kapitbahay.
Sa bayan ng Santa Rosa, Nueva Ecija, ang mga essential food packs ng munisipyo ay nadaragdagan ng mga gulay na kusang ibinabahagi ng ilang concerned individual, tanggapan at organisasyon.
Ipinamamahagi ito sa mga residente, lalo na sa isang barangay na isinailalim sa lockdown.