CABANATUAN CITY — Apat na nurse, isang nursing attendant, at dalawang medical technologists ang kabilang sa 10 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Nueva Ecija, batay sa ulat ng panlalawigang inter-agency task force.
Ang bilang na ito ay nag-angat sa 40 ng mga confirmed Covid-19 cases sa Nueva Ecija kung saan 15 ang nakarekober matapos mag-negatibo sa ikalawang swab test at dalawa ang binawian ng buhay hanggang nitong ika-13 ng Abril.
Kabilang sa mga nurse si Patient 31 – 31-anyos na babae ng Barangay Padre Crisostomo; Patient 33 – 29-anyos na lalaki mula sa Bantug Bulalo, Cabanatuan City; Patient 37 – 29-anyos lalaki mula sa BarangayMallorca, San Leonardo, at Patient 40 – isang 30-anyos na lalaki ng Cabanatuan City.
Ang nursing attendant ay 38-anyos na lalaki ng Barangay Magsaysay Norte, Cabanatuan City.
Pareho namang babae ang dalawang medical technologists. Sila ay sina Patient 38, na mula sa Barangay Gen. Luna, Zaragoza, at Patient 39 – 23-anyos ng Barangay Mabini Ext., Cabanatuan City.
Ang iba pang mga bagong kumpirmadong kaso, batay sa datus ng task force, ay sina Patient 34 – 34-anyos na lalake mula sa Barangay Bibiclat, Aliaga; Patient 35 –44-anyos na babae mula sa Barangay Alua, San Isidro; at Patient 36 – 48-anyos na babae mula sa Barangay Burgos Ave. Cabanatuan City.
Patuloy ang apela ng task force sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali sa publiko na sundin ang patakaran na pinaiiral sa ilalim ng enhanced community quarantine, kabilang ang physical distancing at pananatili sa tahanan, para maiwasan ang paglaganap nitong Covid-19.