Paghahanda ng tone-toneladang gulay bago ipamahagi sa mga barangay. Kuha ni Rommel Ramos
BOCAUE, Bulacan —- Bumili ng panibagong mga gulay ang pamahalaang bayan dito upang ipamahagi bilang relief goods sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine.
Nasa 6.5 tonelada o halagang P2.5 million ng ibat-ibang mga gulay gaya ng broccoli, sayote, carrots, patatas, at cauliflower ang dumating nitong Miyerkules ng umaga na ibibigay sa mga barangay para ipamahagi naman sa 29,000 households sa naturang bayan.
Ayon kay Flordeliza Cruz, municipal treasurer, layunin nito hindi lamang para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga residente kundi bilang tulong na rin sa mga magsasaka ng Cordillera Region na hindi mabilhan ng mga gulay at naitatapon na lamang.
Aniya, nito lamang nakaraan linggo ay nauna na silang nakapagpamahagi ng mga gulay sa 16,000 senior citizens.
Dadalhin naman ang mga gulay sa mga pamahalaang barangay at doon naman ire-repack para ipamahagi sa mga residente. Tigdalawang kilo ng gulay kada isang household ang kanilang ipamimigay.