CABIAO, Nueva Ecija – Iginiit ng editor–in–chief ng student publication na The Dawn ng University of the East na napilitan siyang lumagda sa blotter at mag-isyu ng public apology kaugnay ng kanyang mga anti-Duterte post dahil sa bantang demanda na cyber libel ng kanyang dating guro sa Cabiao National High School sa Nueva Ecija.
Sa kanyang Facebook post nitong Lunes ay nilinaw ni Joshua Molo, 20, na sinabihan rin siyang aarestuhin, ikukulong at tatanggalan ng scholarship kung hindi maglalabas ng public apology sa kanyang dating guro na si Mrs. Jun Ainne Francisco at mga kasama nito.
Ibinahagi ni Molo na bandang alas–12 ng tanghali nitong Abril 5, ay inimbita siya ng mga opisyal ng Barangay San Fernando Sur, Cabiao para sa isang mediation.
Kapwa residente ng Barangay San Fernando Sur sina Molo at Francisco.
Bukod kay Francisco, suportado daw ng dalawa pa niyang dating guro na sina Mel Garcia at Roger dela Cruz ang paghahain ng blotter laban sa kanya sa pulisya gamit bilang ebidensya ang screenshot ng kanilang palitan ng comment sa kanyang Facebook post noong April 2 hinggil sa pagtugon ng gobyerno sa Covid-19 pandemic.
Sa kanyang post ay pinuna raw ni Molo ang Duterte administration at doon sila nagkapalitan ng opinyon ng mga guro.
Maging sa barangay, ani Molo, ay sinabihan raw siya ng mediation officer na may sapat na ebidensya laban sa kanya.
“I was forced to sign the report and make the public apology via video because I feel threatened with the statements of Mrs. Francisco as well as the threats and red tagging from the PNP on the possibility of my being arrested on cyber libel charges.”
Samantala, nagpahayag ng kalungkutan si Francisco hinggil sa paglaki ng gulo sa pagitan nila ng kanyang dating estudyante.
Nagkomento lang daw siya na maghinay-hinay si Molo sa mga post dahil natatakot siya na matatakan itong makakaliwa.
Valedictorian aniya si Molo at scholar kaya nanghihinayang siya kung ito ay mapapahamak.
“Hindi ko po siya masisisi kung nasaktan siya,” ani Francisco. “Nagkasakitan po kami ng loob.”
Panghihinayang naman ang naramdaman ni barangay captain Reynante Questas dahil mistulang nabaliwala ang kasunduan ng dalawa sa kanilang barangay.
“Nakakalungkot na dahil lang sa social media, hindi pagkakaintindihan ay nagresulta ng isang malaking kaguluhan,” sabi ni Questas.
Kung siya raw ang tatanungin ay nais niyang matuloy ang kasunduan. “Nagyakap pa sila,” aniya nang tanungin kung ano ang nagyari sa paghaharap sa mediation ng barangay.