Dala-dala ng mga pulis ang banyera ng isda para ipamahagi sa mga residente. Kuha ni Rommel Ramos
PAOMBONG, Bulacan — Nasa isang toneladang isda ang ipinamigay ng kapulisan sa ilang mga residenteng ng bayang ito.
Ang mga banye-banyerang mga isda na aligasin, dilis,at sinelyasi na ipinamahagi sa mga residente ay mula sa mga naarestong 20 ilegal na mangingisda ng sudsud sa kailugan ng naturang bayan.
Ayon kay Maj. Agustin Joseph, hepe ng Paombong police, bawal ang paraan ng panghuhuli sa mga isda dahil sagad sa ilalim ng dagat ang hinuhulog na lambat kayat ultimo ang mga maliliit na isda ay nahuhuli at nasisira ang ilalim ng dagat.
Hindi naman na nila maibabalik sa dagat ang mga huling isda dahil patay na ang mga ito kayat kanila itong ipinamigay sa mga residente maging sa mga checkpoints para makain sa halip na mabulok.
Nagpapasalamat naman ang kapitan ng Barangay Poblacion na si Crisostomo Garido sa ibinigay ng kapulisan na mga banyera ng isda upang maipamahagi sa kanilang mga residente na hindi makapaghanap-buhay dahil sa ECQ.
Kasalukuyan namang nakaditene sa Paombong Police Station ang mga naarestong mangingisda na sasampahan ng kaso dahil sa illegal fishing activity.