Home Headlines Food, hygiene kits pinamahagi sa Ecija 4th district

Food, hygiene kits pinamahagi sa Ecija 4th district

1143
0
SHARE

Abala ang mga boluntaryo sa NE 4th district office sa pagbabalot ng mga ipamamahaging food at hygiene kits. Kuha ni Armand M. Galang


 

SAN LEONARDO, Nueva Ecija – Sa kabila ng pangunahing gampanin na pagiging mambabatas, umarangkada ang tanggapan ng fourth congressional district ng Nueva Ecija sa pamamahagi ng food and hygiene essentials pack sa mga residente ng mga bayan at lungsod na nasasakupan nito sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon bilang hakbang kontra Covid-19.

Bukod sa bigas, de lata at iba pang food assistance ay kasamang ipinamamahagi ng tanggapan ni Nueva Ecija 4th District Rep. Maricel Natividad-Nagaño ang mga sabon, gayundin ang face masks at alcohol.

May kasama na rin itong mga pakete ng ascorbic acid o Vitamin C dahil ang malakas na resistensya ng katawan ay itinuturing din panlaban sa nakamamatay na virus.

Sa video message ni Nagaño ay binigyang-diin niyaang kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng sektor sa ganitong sitwasyon upang mapagtagumpayan ang laban kontra Covid-19 pandemic.

“Mahirap po at malaking sakripisyo ang hinihingi sa bawat isa sapagkat ang nakataya dito ay ang ating buhay at kinabukasan,” pahayag ng mambabatas. 

Kaya panawagan ng kongresista na isa ring duktora ay ang nagkakaisang pagkilos.

“Ito po ay isang panawagan para sa lahat na tayo po ay magsama-sama at magtulong – tulong,” sabi ng kongresista kasabay na pahayag na hindi ito panahon  para magsiraan at magsisihan.

Hiniling rin niya sa lahat na iwaksi muna ang pulitika. “Hindi po tayo iba- ibang partido, relihiyon o lahi sa labang ito. Wala pong paligsahan. Bagkus, tayo ay magkaisa.”

Samantala, lahat ng barangay sa kanilang distrito ay pinadadalhan ng food and hygiene essentials packs na binili sa pamamagitan ng personal na pondo ng mambabatas at donasyon ng ilang concerned individuals, batay sa pahayag ng kanyang tanggapan.

“Si Congw. Azel (Nagaño) kahit di po niya ito mandato dahil siya ay isang mambabatas at kahit walang pondong nakalaan, bilang pagmamalasakit sa ating mga kadistrito, mula sa kanyang sariling bulsa at mula sa mga donasyon ng ating mga kababayang bukas-palad ay nakapaghanda tayo ng food packs at essentials sa buong distrito,” sabi ni Atty. Arnold Castro, chief of staff ni Nagano. 

Ito aniya ay umento o pantulong sa ipinamamahagi ng mga lokal na pamahalaan. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here