BULAKAN, Bulacan —- Bumagsak ang presyo ng kada kilo ng manok mula sa farm gate hanggang sa palengke. Ito ay dahil sa mas mataas na supply ngunit mababang demand sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine.
Ayon sa mga suppliers ng manok, tumaas kasi ang supply ng mga ito dahil sarado ang mga restaurants, fastfoods, at maging ang mga litsunan ng manok dahil sa lockdown laban sa Covid-19.
Bukod doon ay wala ding nagsasagawa ng mga okasyon gaya ng birthday, anniversaries o mga kapistahan dahil sa social distancing.
Sa pamilihang bayan nga ng Bulakan ang dating P180kada kilo na presyo ng karne ng manok ay bumagsak sa P140 per kilo.
Ayon kay Jobes Olivera, market master, biglang dumagsa sa kanilang pamilihang bayan ang supply ng manok.
Sa katunayan ang isang malaking poultry farm sa kanilang bayan ay sa palengke na lang nilanagbabagsak ng mga manok dahil sarado ang dati nitong mga pinagdadalhan na mga restaurants.
Ayon naman kay Rowena Enriquez, tindera sa palengke, bagamat bumaba ang presyo ng kada kilo ng manok ay bumaba din ang kanilang benta kada araw dahil sa limitadong oras ng mga mamimili.
Aniya, ang dating 200 kilo kada araw na naibebenta na karne ng manok ngayon ay nasa 150 kilo na lamang kada araw.
Ganoon din ang sitwasyon ng tinderang si Vilma Mendoza na dati ay nasa 100 kilo kada araw ang naibebenta na karne ng manok ngunit ngayon ay 70 na lamang. Samantala sa impormasyon na nakalap ng Punto!, ang farm gate live weight per kilo price ng manok ayon sa United Broiler Raiser’s Association ay:
Off size: Tarlac-P47
Ave. Off size-P47
Regular Size: Tarlac-P47; Nueva Ecija-P45-P46
Ave Reg Size-P46
Prime Size: Pampanga-P60; Tarlac-P55; Pangasinan-P45-P52; Nueva Ecija-P45-P46; Bulacan-P50-P.52; Rizal-P63; Laguna-P50-P58; Batangas-P50-P53; Cavite-P50-P58
Ave.Prime size-P53.61.
(Litrato kinuha galing sa Facebook)