Home Editorial Contents Pagyurak sa karapatan

Pagyurak sa karapatan

1600
0
SHARE

…SA PAGPUPULONG na ito ay ating dini-discuss ang pagpatay sa isang plataporma na nagbibigay, naglulunsad ng kalayaan sa pananalita, kalayaan sa pamamahayag, at kalayaan sa pagpapahayag.

…Sa halip na ating pag-usapan kung paano payayamanin ang mga plataporma na maglulunsad ng mga kalayaang ito, idi-discuss natin ay pagkitil at pagpatay dito. Hindi ba’t yun ang kalungkot-lungkot?

Kaming mga direktor ng pelikula at telebisyon at tanghalan, ang aming mga materyal na pinagkukunan ng aming kwento ay ang buhay ng tao. Ang araw-araw na katotohanang nakikita namin sa lansangan. Ang araw-araw na nakikita namin mula sa aming paggising hanggang sa aming pagtulog…

Ang pinakamalawak na plataporma ng aming obra ay ang ABS-CBN. Ang anumang pagkitil sa prangkisa ng ABS-CBN ay malawak na pagyurak sa karapatan ng pagpapahayag at pamamahayag, at karapatan ng malayang pananalita.

Kailangan hindi tayo gumawa ng mga paraan upang sagkangan ang kalayaang ito. Kung mayroong mga hindi magandang sinasabi o mayron mang katiwaliang naganap, o ginagawa ang plataporma, mayron tayong korte upang pag-usapan ang mga kahinaang ito. Hindi ang pagpatay o pagkitil, kundi ang pagbibigay ng due process upang marinig sa korte ang kahinaan o kalakasan ng sinasabi nating platapormang naglulunsad ng kalayaang ito.

…Tayo ay demokratiko – naka-ukit sa ating Saligang Batas ang karapatang ito ng pamamahayag at pagpapahayag. Kailangan ito’y ating pinoprotektahan at ginagawan ng paraan upang yumabong at yumaman at mapanatili, sapagkat ito ang kahulugan ng demokrasya…

Ang artistikong ekpresyon ng pelikula, ng tula, ng mga panulat, ng visual art, at lahat ng ibang sining ay kaluluwa ng bayan. Kung hindi mabigyan ng pagkakataon itong marinig at makita ng buong Pilipinas at ating mga kababayan sa ibang bansa, pag nawala ang napakalalaking plataporma… nakakatakot.

Kung magagawa ito sa ABS-CBN, maaaring magawa rin ito sa mas maliliit pang may prangkisa. Sino na ang magkekwento ng istorya natin?

Baka dumating ang panahon, ang storya natin ay ikwento na ng Beijing broadcast company. Ng HBO. Ng CNN. Sana huwag dumating ang pagkakataong iyon…

Mahigit dalawang dekada na akong lumalaban para sa kalayaan ng pananalita, kalayaan ng pamamahayag. Ngayon lamang ako naka-attend ng isang pagpupulong na papatay sa prangkisa ng pinakamalawak na plataporma ng paglulunsad ng kalayaang ito.

Isang malungkot na katotohanan ito ngayon sa atin. Sana sa mga darating pang pagpupulong…ay tungkol sa pagpapaunlad ng kalayaang ito. At hindi sa pagkitil o pagpatay.

(Halaw sa pahayag ni director Joel Lamangan, kinatawan ng Directors Guild of the Philippines, sa pagdinig ng Senado tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN, Pebrero 24, 2020)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here