Isa sa 120 mga giant saranggola na pinalipad sa Guryon Festival. Kuha ni Rommel Ramos
BULAKAN, Bulacan —-Nasa 120 na giant saranggola ang pinalipad para sa kauna-unahang Guryon Festival na tinawag na “Guryon ni Goyong” bilang pagpupugay sa bayani ng bayan ng Bulakan na si Hen. Gregorio Del Pilar.
Ginanap ang palakihan at patayugan ng paglipad ng mga saranggola o guryon sa gitna ng bukid ng Barangay Balubad
Ang mga guryon ay may ibat-ibang hugis gaya ng ibon, eroplano, paruparo, watawat at iba pa. Nasa lima hanggang 20 talampakang taas ang mga ginawang guryon ang bumida sa himpapawid.
Ayon kay Benjo Cruz, tourism officer ng Bulakan, sinimulan nila ang Guryon Festival dahil sa pagkahilig ng kanyang mga kababayan sa paggawa at pagpapalipad ng mga malalaking guryon tuwing buwan ng Pebrero hanggang Mayo.
Maraming mga Bulakenyo ang nagpapalipad ng mga ibat-ibang hugis, makukulay at karakter ng mga saranggola sa kanilang bayan.
Layunin din nito na maiiwas ang mga kabataan sa mga paglalaro ng mga gadgets at sa halip ay magkaroon ng bonding sa pamilya at mga kabigan sa paggawa ng saranggola.
May papremyo para sa mga pinak maganda at pinakamatayog ang lipad.