Home Headlines Habambuhay sa recruiter ni Veloso

Habambuhay sa recruiter ni Veloso

891
0
SHARE

STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Habambuhay na pagkabilanggo ang ipinataw ng hukuman sa maglive-in na di-umano’y recruiter ng death convict na si Mary Jane Veloso kaugnay ng kasong largescale illegal recruitment na isinampa ng tatlong kababaihan.

Bandang alas-9 ng umaga nitong Huwebes nang basahin ang sentensya laban kina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio ng Talavera, Nueva Ecija sa sala ni Judge Anarica Reyes ng Regional Trial Court Branch 88 dito.

Ang kaso ay inihain noong Mayo 2015 nina Ana Marie Gonzales, Lorna Valino, at Jenalyn Paraiso.

Katulad raw ni Veloso, ang tatlo ay pinangakuan ng mga akusado ng trabaho sa ibayong dagat. Ang kaibhan lamang, hindi sila natuloy samantalang si Veloso ay nagabroad na nagresulta nga sa pagkadakip sa kanya habang di-umano’y bitbit ang maleta na may 2.2 kilos ng heroin.

Bukod sa pagkabilanggo ay pinagbabayad din ng hukuman sina Lacanilao at Sergio ng halagang P2 milyon.

Ayon sa hukuman, malinaw na napatunayan ng prosekusyon ang pagkakasala ng dalawa.

Ang large scale illegal recruitment na nadesisyunan ay hiwalay sa simple illegal recruitment at isa pang kaso ng estafa na inihain ni Veloso sa pamagitan ng kanyang ina.

Bagaman hiwalay rin ito sa kasong drug trafficking ng Indonesia kung saan nahatulan ng kamatayan sa firing squad si Veloso, ay umaasa ang National Union of People’s Lawyers na makatutulong ito para tuluyan siyang makalaya.

Malinaw raw kasi na biktima ng human trafficking si Veloso at posible itong ikonsidera for humanitarian reason ng Indonesian government, ayon kay Atty. Josalee Deinla, NUPL spokesperson.

“Matatandaan natin na bunigyan siya ng reprieve ng Indonesian government, ni President Widodo, dahil gusto siyang bigyan ng pagkakataon na mai-file ang kaso laban sa kanyang mga recruiter,” ani Deinla. Ganito rin ang inaasahan ni Aling Celia, ang ina ni Veloso.

“Masaya po ako. Para bang sa pakiramdam ko ko ay unti-unti ko na pong nakikita ang paglaya ni Mary Jane,” sabi ni Celia.

Nguni’t ang tatay niyang si Cesar ay hindi parin nakakarandamn ng kasiyahan hanggat hindi ganap na makalaya si Veloso.

“ Nasa death row pa rin po ang anak ko,” anita.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here