CLARK INTERNATIONAL AIRPORT — Higit pang hinigpitan ng Bureau of Customs (BOC) sa paliparang ito ang monitoring sa mga dumarating na bagahe na may laman na used clothing o ukay-ukay sa gitna ng banta ng 2019-novel coronavirus (2019-nCoV).
Ayon kina district collector Atty. Ruby Alameda at deputy collector for admin and passenger services Atty. Erwin Mendoza, nasa heightened alert sila ngayon sa pagbabantay ng mga bagahe dahil sa banta ng nCoV bagamat noon pa man ay mahigpit ng ipinagbabawal ang pagpasok ng mga second-hand clothing sa bansa batay sa Republic Act 4653.
Anila, hindi dapat makalusot sa paliparan ang pagpasok ng mga second-hand na damit na posibleng kontaminado o may dalang sakit gaya ng nCoV kaya’t mas pinaigting nila ngayon ang pagbabantay.
Mahigpit ang ginagawa nilang profi ling at information gathering para sa mga dumarating na mga kargamento.
Sakaling may ma-monitor na kahina-hinalang kargamento na naglalaman ng mga contaminated goods ay agad itong a-applyan ng warrant of seizure and detention at ika-quarantine bago i-dispose for condemnation.
Kayat panawagan ng BOC sa publiko na iwasan na ang pagpapadala ng mga used clothing sa Pilipinas na nagmumula hindi lamang sa bansang China kundi sa buong Asya.