ANG kahilingan ng mga magsasaka
kay Pangulong Digong na ipabasura
ang batas hinggil d’yan… napakahalaga
para sa pambansa nating ekonomiya.
Na nararapat na mabigyan kaagad
ng akmang solusyon sa ikaliligtas
nitong magbubukid sa napakasaklap
na kalagayan at di magandang bukas
Sa dahilang ito ang naging sanhi r’yan
ng biglang pagbaba ng presyo ng palay
na kanilang ani sapol ipairal
ang naturang batas na kaugnay nga n’yan.
Kung saan bunsod ng batas na nasabi
bumaha ng murang bigas sa palengke,
na nagresulta sa pagbagsak d’yan pati
ng presyo syempre ng butil na nasabi.
At ang apektado sa naturang batas
na minadali ng mga mambabatas
para maipasa, karagdagang bigat
sa pasanin ni Juan mula ipatupad.
Napagtanto kaya riyan ng kung sino
na nagpanukala ng batas na ito,
kung anong posibleng masamang epekto
n’yan sa industrya ng kalakalan dito?
Na kagaya nitong dito ay mayrun din,
pero ano’t ito’y kailangan pa nating
sa ‘foreign producers’ ay ating angkatin
ang naturang butil kung pakaisipin?
Na hayan, bunsod na rin nitong agarang
pagpapatupad sa batas na naturan,
libu-libong umaasa sa sakahan
ang lugi dahil sa mura ang bentahan!
Eh, bakit di sila r‘yan mag-uumiyak
kung ang ani nga n’yan mahal pa ang darak,
kaysa pinuhunan ng pagod at hirap;
(At pagkabaon sa utang ang dinanas),
Kaya nga’t sa puntong nasabi, ang hiling
ngayon nitong sektor d’yan ng manananim
sa ating Pangulo patungkol o hinggil
d’yan sa pag-pawalang bisa madaliin.
Sana naman, itong ating mambabatas
sampung beses munang isipin n’yan dapat
ang anumang ‘bill’ na gustong isabatas
bago sa plenaryo ihain at sukat.
Nang sa gayon hindi magiging pasanin
sa lahat ang gaya ng ipinasang ‘bill’
ng Kongreso at nitong Senado natin,
na nagresulta sa hindi akalain.
Kaya nga’t bago pa matapos ang Pasko,
kumilos na dapat ang ating Pangulo
na ma-‘annul and void’ itong siya mismo,
inapruban nang di nasuri ng husto.
At bilang pamasko sa naturang sektor
ni kagalang-galang na pangulong Digong,
ibasura ang ‘rice tariffi cation law’
bago sumapit ang Pasko’t Bagong Taon!