KUNG bago ipuesto ng ating Pangulo
d’yan sa ICAD si Vice President Robredo,
bilang katuwang ni Chief Aaron Aquino
sa PDEA ay may hinala na ito;
Na baka si VP ay maging tinik lang
sa puspusan nitong kampanya r’yan laban
sa bawal na bisyo, bakit niya hinirang
ang di karantso na posibleng sagabal?
Kaya nga’t sakaling may itinatago
ang Malakanyang ng kahit kaunting baho,
nang dahil sa hindi sila magkasundo
sa maraming bagay, saan patutungo?
Kundi matapos na mapag-isip-isip
marahil di Digong ang bantang balakid
sa landasin ang di tunay na kaanib
di ba’t si Ka Leni kanyang pinatalsik?
Kung saan ay halos beinte dias lamang
sa ICAD naging co-Chair itong si Madam
ay sinipa na sa hawak na tanggapan
ni Sir nang ni walang pasintabi man lang?
Kaya naman itong isa ay rumesbak,
na isisiwalat umano niyang lahat
itong kung ano ang bagay na nasagap
sa ilang araw na pag-upo sa ICAD?
Katungkulan niya na ibulgar nito
ang anuman hinggil d’yan sa naging takbo
nang pag-obserba niya at paghawak mismo
sa tungkuling bigay ng ating Pangulo.
At sana, sa puntong ito gawin naman
ni VP Robredo, na isiwalat n’yan
ang totoo ng walang labis at kulang
sa sinasabi niyang kanyang natuklasan.
Upang di masabi ng kabilang kampo,
partikular na r’yan ng ating Pangulo,
na gawa-gawa lang ni Ginang Robredo
ang kaniyang aniya’y ibubulgar nito.
Upang sa gayon ang ating Sambayanan
ay mabatid ang tunay na katayuhan
ng bansa, ngayong ang lahat ng illegal
na bagay talamak sa kasalukuyan.
At tila hindi na makayang sugpuin
ng pamahalaan sanhi rin marahil
ng mga bangayang halos walang tigil
nitong sa gobyerno inilagay natin.
Sana rin, di lamang kwenta panakot lang
ni Robredo ang salitang binitiwan,
nang sa gayon itong sinumang opisyal
na nasa likod ng lahat ay malaman.
At malapatan na ng akmang solusyon
ang natuklasaan niya sa tamang panahon
ang ipinangako ni Pangulong Digong
na lulutasin n’yan ‘within his 3 years rule’
Pero hanggang ngayon, hayan patuloy na
namamayagpag ang sa illegal droga,
itong sa ganyan ay bilyones ang kita
habang si Juan walang maisubo tuwina.
At ang mga anak ay sugapa naman
sa bawal na droga at iba pang bawal,
na ang kahantungan kundi sa kulungan,
ang kasadlakan ay tiyak sa libingan!