Home Headlines Kaanak ng 13 nawawala puno ng pag-aalala Kinakapos na rin sa pagkain

Kaanak ng 13 nawawala puno ng pag-aalala
Kinakapos na rin sa pagkain

786
0
SHARE

MARIVELES, Bataan — Labis ang pag-aalala ngayong Martes ng mga kaanak ng 13 mangingisda buhat sa bayang ito na nawawala pa rin matapos lumubog ang kanilang bangka sa bahagi ng Reed Bank sa Palawan noong ika-6 ng Nobyembre.

Bukod sa nadaramang lungkot, dumaraing din ang mga kaanak sa kakapusan ng kanilang pagkain dahil ang mga nawawala ang mga tanging sumusuporta sa kanilang kabuhayan.

“Sana huwag tigilan ang paghahanap. Tumatagal ang araw lalo kaming nag-aalala kasi sa kanila lang kami umaasa. Naiisip din namin si mama,” sabi ni Loida Panganiban, bunso sa tatlong anak na babae ni Laureano delos Santos, kapitan ng Three Sisters-2 fishing boat.

“Malakas ang pakiramdam namin na buhay sila. Sana talaga huwag tigilan ang paghahanap. Wala na rin pagkain. Philippine Red Cross pa lang ang nagbigay ng tulong na pinagkakasya namin. Wala kaming ibang inaasahan kundi ang papa ko at ang iba naman ay ang mga nawawala,” dagdag ni Panganiban.

Sinabi pa ni Panganiban na huling nakita ang papa niya at mga kasamahan na nakasakay sa mga containers na may lamang krudo.

“Ipinagtataka namin ni isa wala pang nakikitang container ng krudo na nagpapalakas ng loob sa amin at umaasa na buhay pa sila. Baka nasagip sila o kaya napadpad sa isang isla. Sana huwag sumuko sa paghahanap,” sabi pa nito.

Baka aniya nasagip ng barko ng ibang bansa ang mga nawawala at hindi palang sila nasasabihan.

Sa ngayon daw ang nakikita palang ay isang timba na may lamang gamit ng isa sa 13 nawawala ganon din ang katig ng bangka, at styrofoam na pinaglalagyan ng isda.

Bakas ang hapis sa mukha ni Cristina Gabales, 46, na may dalawang anak na binatang nawawala na sina Christian Gabales, 28 at Ruel Guico, 19.

“Magdadalawang linggo na wala pang balita. Masakit. Nangangailangan din kami ng pangaraw-araw na pagkain. Sa kanila kami umaasa, sila ang naghahanap buhay sa amin,” sabi ng matanda.

Sana raw ay matulungan sila sa mga arawaraw na pagkain at higit sa lahat mahanap ang lahat ng nawawala.

“Bigla akong nagigising, nag-iisip. Umaasa pa rin kami na mahahanap sila. Alam ko buhay pa sila sa aking pakiramdam. Hindi ko sila napapanaginipan at parang ginagabayan ako ng Panginoon na lumaban,” sabi ni Cristina.

“Mahirap sa pakiramdam ang maghintay ng wala kasi 13 days nang nawawala. Ni wala kaming balita kaya sana kung nakuha sila ng barko may makapagsabi dito sa amin,” sabi ni Ruvylyn Villaluz, 26, asawa ng nawawalang si Frederick Falogme, 33, habang hawak ang bunso sa dalawang anak.

Umaasa rin daw si Villaluz na baka barko ng ibang bansa ang nakasagip sa mga nawawalang mangingisda.

“Sa ngayon wala kaming pinagkukunan ng pagkain, gatas at diaper ng aking anak. Nananawagan ako na sana mabigyan kami ng tulong kahit pangkain, pang-gatas at diaper. At hindi din ako nawawalan ng pag-asa na makakabalik sila bago magpasko,” sabi ni Villaluz.

Ikinuwento naman ng tanging nakaligtas na si Angelito Epetito ang naranasan niyang trahedya na nagsimula alas-3 madaling araw noong November 6 nang mapuno ng tubig ang kanilang bangka at mawalan ng ilaw at dahil sa lakas ng mga alon ay tumaob at naputol ang Three Sisters- 2.

Nang una umano ay hawak-hawak pa sila at magkakasama ngunit sa kalaunan ay napunta siya sa bodega ng bangka samantalang ang mga kasamahan ay sakay ng mga plastic container na may lamang krudo.

Sinabi ni Epetito na sakay siya ng bodega ng bangka at nagpaanod hanggang masagip siya noong madaling araw ng Nobyembre 11.

Ang mga nawawala ay sina Ronilo Epetito, 31, Boby Gabales, 32, Christian Gabales, 28, Dondon Narciso, 22, Jerry Mantaring, 27, Jerry Villaruel, 26, Ariel Epetito, 30, Frederick Falogme, 33, Jeffrey Abayin, 21, Almar, Benocan, 32, Ruel Guico, 19 at Joel Negrido, 39, at kapitan ng bangka na si Laureano delos Santos, 55.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here