Home Headlines Reklamo sa nakakasulasok na amoy mula sa pinaglibingan ng mga baboy

Reklamo sa nakakasulasok na amoy mula sa pinaglibingan ng mga baboy

945
0
SHARE

(Ang pinaglibingan umano ng nasa 1,000 baboy na pinanggagalingan ng nakakasulasok na amoy. Kuha ni Romel Ramos)

PLARIDEL, Bulacan —- Inirereklamo ng ilang mga residente ng Barangay Bulihan ang nakakasulasok na amoy na nagmumula sa mga inilibing na baboy kasunod ng pagpapapatupad ng 1-km radius quarantine area para labanan ang African swine fever sa lalawigan.

Ayon sa ilang mga residente, nagkakasakit na sila gaya ng hika, ubo, sipon at pananakit ng sikmura dahil sa perwisyo ng mabahong amoy na nagmumula sa mga patay na baboy na sumailalim sa culling at ibinaon sa lupa malapit sa mga kabahayan.

Ang tanging panangga lang ng mga residente ay ang magsuot ng facemask para maibsan ang masamang amoy doon.

Ayon kina Shaina Dela Cruz at Angelica Rodriguez, hirap sila sa paghinga, sa pagkain, at maging sa pagtulog dahil sa perwisyo kaya’t sila ay nagkakasakit na.

Halos araw-araw daw ang nagiging pagbabaon ng mga patay na baboy na may isang linggo na ngayon.

Ayon naman kay CJ Velasco Joaquin, karaniwang hapon hanggang gabi ginagawa ang pagka-culling sa mga baboy na lulan ng mga truck at pinagbabawalan ang mga residente na makalapit sa lugar habang pinapatay at inililibing ang mga baboy.

Panawagan nila na ilipat sa ibang lugar ang paglilibingan ng mga baboy at malayo sa mga kabahayan nang sa gayon ay hindi sila maperwisyo.

Ayon kasi sa impormasyon nila ay marami pang mga baboy ang dadalhin doon para ilibing.

Naabutan naman ng Punto! habang sinisementuhan ang ibabaw ng pinaglibingan na ayon sa mga residente ay libong mga baboy na ang naibaon doon.

Sinubukan ng Punto na kuhanan ng pahayag ang pamahalaang barangay ng Bulihan ngunit tumanggi sila na magbigay ng pahayag batay daw sa atas ng Provincial Veterinary Office.

Samantala ay sinisikap pa rin na makuhanan ng pahayag si Dr. Voltaire Basinang ang provincial veterinarian na tumangging magbigay ng panayam magmula nang pumutok ang isyu ng ASF sa lalawigan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here