AL GORE NG ANGELES
    1-M puno, suportado ng batang environmentalist

    338
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG ANGELES – Buo ang suporta ni dating konsehal Louie Reyes sa plano ni Mayor-elect Edgardo “EdPam” Pamintuan na magtanim ng isang milyong mga puno dito sa loob ng tatlong taon.

    “Mayor Ed’s plan for environment is promising,” ani Reyes, sa isang panayam ng Punto Central Luzon kamakailan.

    Sinabi niya na maliban sa makakabuti ito sa kalikasan, ang pagtatanim ng mga puno kagaya ng kawayan ay makapagbibigay pa ng pagkakakitaan sa mga pamilyang nakatira malapit sa ilog.

    Aniya, ang programa ni Pamintuan ay magiging isang halimbawa sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa Pampanga.

    Ang planong magtanim ng isang milyong puno dito ay kasama sa programang “Yumayabong na Kalikasan, Malinis na Kapaligiran, Susi sa Kaunlaran” ng bagong administrasyon.

    Kamakailan ay inilunsad ng Green Youth Brigade (GYB) ang “zero plastic use” sa Coffee Academy sa Barangay Balibago kasama ang ibat-ibang mga environmentalists. Dumalo din si Bishop Ambo David, parish priest ng Holy Rosary Parish Church at tagapagtaguyod ng “Save Sapang Balen Creek.”

    Ani Reyes, ang GYB ay itinatag upang magbigay at maglunsad ng mga ideya na makabubuti para sa kalikasan. Layunin din nito na mag-organisa ng mga talakayan sa mga paaralan at mga komunidad kung saan pag-uusapan kung paano mapoprotektahan ang kalikasan.

    “Tututukan namin ang mga mag-aaral upang habang sila’y bata pa ay mamulat na sila kung papaano papahalagahan ang kalikasan,” ani Reyes na ngayo’y isa ng environmentalist.

    Nangako din ang GYB na susuportahan nila ang kampanya ng Pinoy Gumising Ka Movement (PGKM) laban sa mga babuyan at mga manukan sa bayan ng Porac na nagpapakawala ng mabahong amoy (dahil sa dumi ng mga baboy at manok) na pinanggagalingan ng ibat-ibang sakit.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here