CABANATUAN CITY – Kalaboso ang isang 35-anyos na construction worker matapos ituro na siya di-umano ang bumaril at nakapatay kay barangay chairman Beato Pascua ng Ganaderia, Palayan City kamakailan.
Ang suspek na sinampahan ng kasong murder sa Palayan City Prosecutor’s Offi ce ay nakilalang si Carlito Reyes, residente ng Barangay Pula, Talavera, Nueva Ecija.
Ayon kay Police Col. Leon Victor Rosete, provincial director ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO), naaresto si Reyes sa isang subdibisyon sa Barangay Valle Cruz ng lungsod na ito nitong Miyerkules, isang araw matapos paslangin si Pascua.
“Solved na ang kaso dahil nahuli at nasampahan natin ng kaso ang suspek,” sabi ni Rosete. Ayon sa kanya, si Reyes umano ang bumaril kay Pascua gamit ang 9mm pistola bandang alas-9 ng umaga nitong nakaraang Martes.
Namukhaan raw ito ng ilang testigo lalo’t bumalik pa raw sa lugar at nagtanong kung talagang patay na si Pascua. At mula sa nalikhang artist sketch ay nai-match sa rough gallery ng pulisya.
Isang tao rin na nagkataon na nahuli ng Sta. Rosa PNP ang nagsabi sa pulisya na si Reyes ang pumatay kay Pascua.
Gayunman, hindi pa rin natutukoy kung sino ang nagutos o nagbayad kay Reyes na patayin ang biktima. Hindi pa rin nakikita ang baril na ginamit sa pamamaslang.
Kumbinsido si Rosete na matibay ang kado laban kay Reyes, bagama’t ay wala pang pahayag ang suspek.
Pero giit ng ilang netizen na nanagsasabing kilala nila si Reyes, imposible raw na magawa nito ang krimen. Anila. isa lang ordinaryong construction worker ang suspek at posibleng napagkamalan lamang ito.