(Nagmistulang damuhan ang palayan na ito ng magsasakang si Richard Salonga. Kuha ni Rommel Ramos)
CALUMPIT, Bulacan —- Sinalanta ng tagtuyot bunga ng El Nino ang ekta-ektaryang palayan sa Barangay Meyto.
Ang mga tanim na palay dito ay mga nabansot at hindi namunga dahil sa kawalan ng tubig at sa halip na palay ay naging ipa na lamang ang ibinunga nito.
Ayon sa mga magsasaka, sa ngayon ay hindi na mahalaga sa kanila kung ipatitigil man ng National Irrigation Administration (NIA) sa kalagitnaan ng Mayo ang daloy ng irigasyon dahil nagkamatay naman na ang kanilang mga tanim.
Dahil dito, masama ang loob ng magsasaka na si Richard Salonga dahil inutang lamang niya ang puhunan para makapagtanim ng palay.
Ani Salonga, wala na ngang aanihing palay ay magbabayad pa siya ng utang.
Kasunod nito ay imposible na rin aniya ang second cropping kung ipaititigil na ang pagpapadaloy ng tubig sa kanilang lugar at maantala pa ang pagpasok ng tag-ulan.
Sa land preparation pa lamang kasi ay nangangailangan na rin sila ng tubig kayat nananawagan siya ng tulong sa gobyerno na makapagpahiram ng water pump generators para makapagpapasok ng tubig sa kanilang palayan.
Sa ngayon ay magtitiis na lang sila at umaasang makakarekober sa pagkalugi sa lalong madaling panahon.