(Makikita sa larawan ang bagong bukas na 5.65 kilometrong NLEX Harbor Link na magbibigay ng diretsong ruta ng mga mangangalakal at kargamento mula Hilaga at Gitnang Luzon papuntang Pier ng Maynila. – PIA 3)
Ayon kay NLEX Corporation Assistant Vice President for Corporate Communication Kit Ventura, hindi mababago ang collection point dahil mula sa Bocaue Toll Plaza sa NLEX-Southbound hanggang Balintawak ay open system.
Ibig sabihin, lahat ng sasakyan na pumapasok sa southbound lane ng NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway sa direksyong paluwas sa Metro Manila ay sa Bocaue Toll Plaza na nagbabayad ng toll fee.
Paglagpas dito, wala nang babayaran pa paglabas o pag-exit sa Marilao, Meycauayan, Lingunan, Valenzuela, Balintawak at ngayon sa pagdaan sa NLEX Harbor Link sa pamamagitan ng Smart Connect interchange.
Noong wala pa ang NLEX Harbor Link, inaabot ng isa hanggang mahigit dalawang oras ang nagiging biyahe mula NLEX papasok sa Pier ng Maynila. Mas matagal pa kung maiipit sa matinding trapik sa Balintawak dahil sa ginagawang Skyway Stage 3.
Ngayong pinasinayaan na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang NLEX Harbor Link, magiging limang minuto na lamang ang biyahe papuntang Pier ng Maynila sa pamamagitan ng pag-exit sa Smart Connect interchange hanggang makarating sa C-3 road sa Caloocan.
Naglaan ng kabuuang 15 bilyong piso ang NLEX Corporation para sa naturang proyekto. -PIA 3