TALAVERA, Nueva Ecija – Isang lalaki ang napatay samantalang arestado ang tatlong kasamahan nito nang magresponde ang mga operatiba ng Talavera police station sa isang insidente di-umano ng paglabag sa batas panghalalan sa pamamagitan ng iligal na pagpapaputok ng baril sa Barangay Collado, Talavera, Nueva Ecija 11:50 ng gabi nitong Lunes.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Ferdinand Viernes, residente ng naturang lugar.
Ayon kay Supt. Alexie Desamito, hepe ng Talavera police station, nakakulong ngayon sa detention facility ng pulisya ang mga naaresto na sina Emmanuel Viernes, Crisanto Dimaya, kapwa ng Barangay Collado at Mar Dimaya, residente ng Barangay Caaaninaplahan, Talavera.
Sa ulat ni Desamito, pasado alas-8 ng gabi nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen na may isang grupo ng kalalakihan na nagpapautok ng baril sa isang fi shbond sa barangay.
Sa pagresponde ng mga operatiba ay kaagad na nasakote ang tatlo na nahulihan rin ng ilang sachet ng hinihinalang shabu.
Samantala, nagtangkang tumakas ang isa sa kanila dala ang 9mm pistola. Nang makupot, pinaputukan raw nito ang mga pulis na napitlitan namang gumanti, ayon kay Desamito.
Namatay noon din ang suspect.
Narekober ng mga imbestigador ang 9mm pistola, mga basyong bala at anim na sachet ng hinihinalang shabu.
Lumalabas raw sa imbestigasyon na bukod sa kalasingan sa alak ay nagsasagawa ng pot session ang mga suspek sa lugar.
Nakakulong ngayon at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Omnibus Election Code, alarm and scandal at posesyon ng ipinagbabawal na gamot o droga ang mga naarestong suspek.