(Binisita ng Candaba Municipal Agriculture Office ang bukirin ng may tanim na melon
sa Barangay Paralaya. Kuha ni Rommel Ramos)
CANDABA, Pampanga — Bagsak presyo ang mga aning melon dito makaraang mapinsala ng mga pag-ulan at pagbaha bago matapos ang buwan ng Disyembre.
Sa farm gate pa lang ay bagsak na ang halaga ng mga melon na Cantaloupe, Sweet Flavor at Honey Dew. Ang dating nasa mahigit P30 kada kilo ngayon ay nasa P10 hanggang P15 na lamang.
Ayon sa mga magsasaka, nasalanta kasi ang mga melon ng pag-ulan kayaโt nasira ang kanilang tanim. Naging bansot ang mga melon at naging matabang habang ang iba ay tuluyan ng nasira dahil sa tubig.
Hindi nila inakala na bubuhos pa ang ulan nitong Disyembre na bihirang mangyari sa kanila.
Ayon naman kay Celedonia de Leon, OIC municipal agricultural officer, handa silang tulungan ang mga naluging magsasaka sa Candaba at bibigyan nila ang mga ito ng hybrid na punla sa susunod nilang pagtatanim.
Nasa limang ektarya ng bukid ang may tanim na melon ang naapektuhan ng pag-ulan.
Ayon pa kay De Leon, may insidente din na tone-toneladang bulok na melon ang itinapon sa isang bukid sa Candaba ng mga mangangalakal mula sa Nueva Ecija matapos hindi mabili ang mga ito sa Maynila dahil sa sobrang dami nito sa merkado.