SANTA ROSA, Nueva Ecija – Isang 62-anyos na barangay chairman ang napatay sa pamamaril ng hindi nakilalang riding-in-tandem bandang 6:30 ng gabi nitong Biyernes sa Purok 5, Barangay La Fuente sa bayang ito.
Mga tama ng .45 sa kanyang likuran ang tumapos sa buhay ni barangay captain Rene Sebastian, residente ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakaupong nakikipagkuwentuhan sa limang kabarangay si Sebastian nang bigla na lamang siyang paputukan ng gunman mula sa gilid ng kalsada.
Tinatayang mahigit isang metro lamang ito sa kinauupuan ng biktima na may mga halaman na nagsisilbing bakod.
Ayon sa may-ari ng bahay na si Marlon Adriano, nabigla sila sa bilis ng pangyayari. Tinangka raw habulin ng ilang residente ang motorsiklo ng mga,suspek ngunit napaatras sila nang magpaputok ito.
โNapakabilis ng pangyayari. Nakarinig kami ng sunod- sunod na putok tapos nakabuwal na si captain,โ sabi ni Adriano.
Si konsehal Richard de Guzman ang nagsugod sa biktima sakay ng tricycle sa Cabanatuan City.
Buong akala raw niya ay mabubuhay pa ito ngunit idineklarang patay matapos ang isang oras.
Ang pamilya at mga kabarangay ni Sebastian ay walang maisip na posibleng dahilan ng pamamaslang dahil napakabuti raw nito. Katunayan ay nasa ika-3 termino na siya ngayon, sabi ni De Guzman.
Pero bago raw naganap ang krimen ay ipinagtataka ni Sebastian kung bakit may nagsumbong sa pulisya na di umanoโy sangkot siya sa iligal na droga — bagay na hindi mapaniwalaan ng kanyang mga kasamahan.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng pulisya ang krimen.