Home Opinion Simpleng dapat gawin, di makayang tupdin

Simpleng dapat gawin, di makayang tupdin

863
0
SHARE

LIKAS NA na marahil sa ibang tao r’yan
ang tigas ng ulo’t kawalang-pitagan
sa saligang batas na pina-iiral
ng ating gobyerno sa pangkalahatan?

Katulad na lang ng bawal na paputok,
at iba pang walang buting maidulot
sa tao kundi ng hapdi lang at kirot
kapag sinindihan ay biglang sumabog!

Pero bale-wala lamang sa marami
kahit ang pinsala madalas ay grabe,
pagpapatunay na ang Pinoy matindi
ang katigasan ng kanilang kukote.

Di lingid sa ating mga kababayan
kung ilang may edad na at kabataan
itong sa pagpalit ng taong nagdaan
at ng bagong taon ang mga nasaktan.

Sanhi nga lang nitong taon-taon halos
ay di na kaunti ang kamay n’yan nadurog
sa malalakas na uri ng paputok,
pero may natuto’ng sumunod sa utos?

Wala, partikular na nga riyan itong
ilang pasaway na nagma- ‘manufacture’
ng matataas na uring rebentador,
bawal na, bago pa umupo si Digong.

Subalit ito ay hindi tinantanan
nitong kumikita sa negosyong ganyan,
na patago nilang sa mata ng bayan
ibinebenta nang palihim sa tanan.

Kaya naman hayan, itong nahumaling
na sa ganyang bisyong di ikakagaling
kundi ng disgrasya binili pa rin,
gayong pagkaraan ay sising-alipin

Itong minalas na sila’y naputukan
ng naturang bagay, na batid na nilang
ang ganito’y walang buting ibibigay,
pero binibili pa’t sinisindihan!

Ano kayang klaseng gayuma mayroon
ang tinamaan ng lintik na damuhong
paputok na ito, kung bakit patuloy
na binibili ‘yan ng maraming Pinoy?

Sa kabila nitong ang ating gobyerno
ay todo higpit sa pagbabawal nito
sa lahat na, pati ang paninigarilyo,
na walang buti ring idulot sa tao.

Ngunit sa kabila nga r’yan ng mahigpit
na direktiba nitong ‘Commander-in-Chief,
in relation with these, (including cigarettes,’)
ito’y patuloy pa ring tinatangkilik.

Aywan naman natin sa nakararami
na ‘addict’ na rin sa rebentador pati,
ito’y patuloy pa nilang binibili,
gayong mas ‘intensive’ itong kay Duterte.

Na tangkang pagbuwag sa lahat ng klase
riyan ng negosyong ang dulot parati
sa taongbayan ay di ikabubuti,
kundi pagka-pahamak lang bandang huli.

Sa ganang akin ay di man ipagbawal
ang sigarilyo’t paputok na naturan,
kung batid kong tiyak na kapahamakan lang
ang maaring kamtin, ano’t di tigilan?!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here