Home Opinion Iwas paputok, iwas disgrasya

Iwas paputok, iwas disgrasya

673
0
SHARE

BAGO sumapit ang pagpapalit nitong
luma na at padating na bagong taon,
minsan pa ay nais kong ulitin itong
paalalang niluma na ng panahon

Na kaugnay r’yan ng kahit batid nating
di na mabilang ang nasaktan tuloy din
ang paggawa at pagbili naman natin
ng isang bagay na perwisyo sa atin.

Ilan na, ang dahil lamang sa paputok
ay naputulan ng daliri, at halos
mawarak ang kamay sa natamong lapnos
nang ang sinindihan ay biglang sumabog!

At maging sa parte nitong gumagawa
at nagtitinda n’yan malaking pinsala
na rin kung minsan ang kanilang napala,
pero sige pa rin at di nadadala!

Ipinagbawal na ng pamahalaan
ang malalakas na paputok, sige lang
itong ilan nating mga kababayan
sa paggawa kahit patago kung minsan.

At kung saan basta kumita lang yata
ang may pagawaan n’yan ay bale-wala
ang ikapahamak ng buhay ng kapwa,
huwag lang ang negosyo nila ang mawala.

Sa puntong naturan tila ay ganun din,
katigas ang ulo nitong iba nating
(kabayan) sapagkat binibili pa rin
kahit walang buti na maaring kamtin

Kundi magkagasta at manganib pati
ang buhay nga nila sa ganitong klase
ng libangan bagang ating masasabi
o kapahamakan lang sa bandang huli?

Hindi tayo bulag para di makita
ang naidulot na pinsala sa iba
ng matataas na uring de pulbura
na mga ‘fi recrackers’ na ibinebenta.

Pero ano’t batid na nga nating lubos
na iyan ay walang buting maidudulot
sa buhay kundi ng perwisyo at gastos,
binibili ‘yan ng adik sa paputok?

O sadyang likas na sa iba ang hilig
nila sa ganitong nakapananakit
na uring ‘fi recrackers’ sa terminong English,
(at rebentador sa Tagalog, Spanish?)

Kwitis, may dala ring panganib kung minsan
kapagka’ dumapo ito sa bubungan
ng bahay na pawid ang atip, kaya lang
bihirang mangyari ang ganitong bagay.

Kaya para maging ligtas tayong lahat
sa panganib at pagselebra r’yan dapat
ng Bagong Taon ay sana dagdag ingat
sa pagsindi r’yan ng sinturon ni Hudas

At iba pang klase na kung maari lang
ay huwag nang bilhin at ating sindihan;
Kundi bagkus takip ng kaldero na lang
ang ating bitbitin at kalampagin d’yan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here