KHAKI pa ang kulay r’yan ng uniporme
ng mga pulis at saka military,
mapapanood na sa ‘black & white TV’
ang balita hinggil sa shabu’t ecstasy
Patunay na di lang maikling panahon
nang tumatabo ng milyon ang damuhong
‘drug lords’ sa negosyong kamandag at lason
sa katinuan ng sa droga ay lulong.
At kung saan pati ang dapat gumabay
na mga magulang upang di maligaw
ng landas ang anak, sila pa kung minsan
ang mitsa ng pagka-ligaw n’yan ng daan.
At dahil na rin sa itong ‘illegal drugs’
at iba pang mga matinding paglabag
sa ‘rule of law,’ araw-araw tumataas,
ya’y natural natural na magiging talamak.
Malinaw na ito’y matagal na palang
sakit na ng ulo r’yan ng Malakanyang
ang bagay na ‘yan na kwenta minana lang
ni Pangulong Digong sa mga sinundan
Na naging Pangulo nating tulad nina
Cory, Fidel Ramos, Erap, Madam Gloria,
at ni PNoy; kaya kumbaga cancer na
ang sakit bago si Duterte umentra.
At tutukan nga nang husto ang ‘war on drugs’
na di natuldukan nitong huling apat
man lang sa ‘ting naging Pangulo ng Pinas
na pawa pa manding mga de kalidad.
Pero ni katiting sa mga nagawa
ni Duterte ay di natumbasan yata,
kaya’t imbes mabawasan ay sumigla
ang kalakaran ng bagay na di tama.
Sa palagay kaya r’yan ng kontrabida
kay Pangulong Digong ng katulad nina
Trillanes, at ibang kaalyado nila,
kung di nanalo si Duterte, ano na?
Di kaya ultimong sumususo pa lang
sa panahong ito ay lango na rin ‘yan
sa shabu at iba pang ipinagbabawal
ng saligang batas kung iba’ng nahalal?
At di nga ang ating Pangulong Duterte
itong pinalad na naging presidente?
(Na gumagawa na nga ng mabubuti,
siya pa ang malimit nilang sinisisi!)
Hindi si Duterte ang may kagustuhan
na itumba itong mga nato-’tokhang,’
kundi sila itong mga naglalaban
kaysa sumuko sa ating kapulisan.
At iba pa nating mga otoridad,
sa pag- ‘conduct’ n’yan ng ika nga’y ‘buy bust,’
kung saan ‘victims’ ang unang bumabanat
kapagka nasukol para makatakas.
Hindi kasalanan ng ating Pangulo
ang pagkamatay ng sa droga ay lango,
partikular na r’yan ang tulak ng shabu,
kundi sila lagi ang umaabuso.
Batid na nila na dalawang bagay lang
ang pagpipilian: makulong, mapatay?
Pero sige pa rin – kaya kasalanan
na nila: Si Digong di dapat husgahan!