SOBRA na’ng galing ibang mambabatas
na nagpanukalang palitan ang ‘last part’
na ‘lyrics’ ng Himno nitong Pilipinas
o itong Pambansang Awit nating lahat.
Kasunod ng “Ang mamatay nang dahil sa’yo,”
“Ang mamatay dahil sa kalayaan mo,”
ang nais ipalit ni senador Sotto,
gayong ganyan din ang kahulugan nito.
“Aming ligaya na pag may mang-aapi”
na sinundan nitong linya na nasabi,
‘Denotes that all of us any time are ready
To suffer, fight and die for our liberty’
Kaya ano pa bang marapat baguhin
sa ‘lyrics’ nitong ating ‘National Anthem,’
na nakasanayan na nating awitin
pati English version nina Osias at Lane?
Simpleng pangungusap sa wikang Tagalog
o Pilipino ay di pa nila talos
itong kumbaga ay di naman paikot,
pero hirap silang direktang matumbok?
Sa isang banda ay di natin masisi
itong sa senado mas nakararami,
na nasanay sa di salitang sarili,
kasi nga ay English ang gamit parati.
Aywan naman natin kay Gapo Senator,
(na kung tawagin ni Obligar ay ‘Dribble,’)
kung bakit pati ang ‘National Flag’ gustong
ipanukala na baguhin din ngayon.
Kung saan ang ‘eight rays’ ng Araw sa loob
nitong kung tawagin natin ay tatsulok,
base sa balita nais niyang i-‘propose,’
na gawing siyam ang ‘rays’ na nakapaloob.
At ito’y para sa sa isla ng Mindanao,
(sa pangka-lahatan ng Islamic region)
na ayon sa ating butihing Senador
kasama rin dapat sa ‘eight rays’ ng Araw.
Kung ang lahat ng lugar na humawak
ng baril, ng tabak, ng kampilan, sumpak,
at iba pa ay ating ilalagay lahat
anong kahinatnan ng ating Watawat?
Huwag na lamang nating galawin pareho
ang Pambansang Awit at ang ating Himno;
Ya’y nakatatak na sa sariling mundo
nating mamayan bilang Pilipino.
At para baguhin ang hindi marapat
palitan, susugan, ang higit sa lahat
tayo’y magka-isa sa ikauunlad
at ikarangal ng bansang Pilipinas.
Pulitika lang ‘yan, huwag nating gawing
sa ganyang paraan bihagin ang pansin
ng mga botante – kundi sa taimtim
at matapat na pag-ganap sa tungkulin.
(At saka malayo pa para simulan
ang mga pasimple na pakamay-kamay
sa bawat taong masalubong sa daan,
sapagkat luma nang tugtugin ang ganyan.
At hindi na sila basta makukuha
sa patapik-tapik at pagbigay pera,
dahil tanggapin man marahil ng iba,
ang iboboto n’yan ang gusto talaga!)