Home Opinion Kartel ang ugat ng lahat

Kartel ang ugat ng lahat

554
0
SHARE

KUNG itong pagsipa ng presyo ng lahat
ng mga bilihin, lalo na ang bigas
na araw-araw ay tuloy ang pagtaas,
at di magawa ni Digong na maampat.

‘Yan sa mga isang kahig, isang tuka
at nakararaming mga maralita,
higit ang hapdi ng dama ng sikmura
kaysa nakaranas nang lupit ng digma

Sa dahilang noong panahon ng Hapon
lahat nakaraos sa matinding gutom
sa kahit mais lang o kamoteng kahoy,
di gaya ng lahat binibili ngayon.

Nang si Dadong Macapagal ang pangulo,
otsenta sentimos lang ang tatlong kilo
ng bigas, kung kaya sa hawak na piso
(ni Nanay) – may sukli pa siyang beinte singko.

At sa sukli niyang ‘twenty five centavos’
makabibili na rin ng isang bangus,
na di kalakihan, pati na pangsahog
kung ang lulutuin ni Nanay alabos.

Ang pasahe sa dyip ay dyes sentimos lang,
na lubhang malayo sa kasalukuyang
ang ‘buying power’ ng piso, ni di kayang
ipambili kahit kendi sa tindahan.

Papano na ngayon itong walang pilming
trabaho na mga kababayan natin,
kung kahit man lang sa iligal na jueting
walang ‘chance’ kumita sapol ipatigil.

Bakit di darami ang mga kawatan,
holdaper, isnatcher, pushers, at iba pang
krimen kung ang ‘jobless’ mataas ang bilang
kaysa may trabaho sa kasalukuyan?

At ang marami ay ‘casual’ lang palagi,
dala ‘contractual term’ na naghahari,
sa panahong ito na hirap mabali
ng ‘work force’ pagkat ang pagsibak madali.

Bunsod nang kawalan n’yan ng tinatawag
na ‘security of tenure’ nitong lahat
halos nga ng mga gusto mang magsikap
magka-trabaho ay bigong makahanap.

At kahit palarin silang makakita,
ang napakasaklap ay ‘under paid’ sila
liban sa posibleng may kaltas lagi na
ang sahod n’yan para sa kontratista.

Kaya sa pagmahal ngayon ng bilihin
ng lahat ng bagay, sila itong laging
apektadong mga kababayan natin,
na umaasa lang sa kitang katiting

Samantalang itong mga bilyonaryo
na mga may-ari riyan ng Meralco,
ng SMB, ng PAL, kartel ang negosyo,
ang pinakapiso nila’y daang libo.

Kung saan abutin man ng isang milyon
ang presyo ng isang kabang bigas ngayon,
bale wala lang sa kung kumita, ‘billions
of pesos’ sa loob lamang ng maghapon?

Pero sa tulad nga nating mahihirap
na bago ang piso dumapo sa palad,
pawis ang sa noo natin tatagaktak,
kapalit ng kaunti nating natatanggap.

Kaya nga kapagka hindi napigilan
ng Pangulo itong lahat na’y nagmahal,
sa pagkasiphayo tiyak ang hantungan
ang buhay ng dukha nating kababayan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here