Para sa Bayan

    473
    0
    SHARE

    Panahon na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan. Sa mga nasa kolehiyo, ito ang oras kung kailan nag-iisip na sila ng sagot sa tanong na “Ano ang magiging kinabukasan ko?”

    Masalimuot isipin ang kinabukasang walang kasiguraduhan. Tiyak kong lahat tayo ay dumaan na sa ganyang pagkakataon. Nakakatakot, nakakakaba, pero alam nating lahat na mayroon pa ring pag-asa.

    Kung kayong mga magsisipagtapos ay nag-iisip ng sagot sa tanong na nabanggit ko, malamang kapag binigyan natin ng katauhan si Inang Bayan, iyan din ang mababanggit niyang katanungan. Ano ang magiging kinabukasan ng Bayan?

    Nakakatakot at nakakakaba ring sagutin kapag walang katiyakan. Ngunit, mayroon tayong sasandigang katotohanan—ang katotohanang kayong mga magsisipagtapos sa kolehiyo ay ang magiging sagot sa katanungang ito. 

    At ang pag-asang sinasabi ko ay ang pananaw na napakasarap magtrabaho sa pamahalaan ngayon. Bakit nga ba?

    Una sa lahat, bawat isa sa mga magsisipagtapos ay may malulugaran. Anuman ang kursong matatapos ninyo, mayroon at mayroon kayong maaaring pasukan sa pamahalaan.

    Mula sa larangan ng kalakalan at turismo, hanggang sa agham panlipunan at engineering. May iba’t ibang sangay ng pamahalaan na nangangailangan ng mga talento at kakayahang napulot ninyo sa kolehiyo.

    Pangalawa, masarap magtrabaho sa loob ng pamahalaan ngayon dahil sa bagong direksyong tinatahak natin tungo sa tuwid na landas. Isa-isa na nating nahuhuli ang malalaking isda ng katiwalian.

    Bagamat mayroon pa rin tayong kailangang linisin sa iba’t ibang sulok ng gobyerno, mahalaga ang magiging papel ninyong mga mas nakababata na may ideyalismo at pagmamahal sa bayan na siyang magiging tagatulak sa inyo at sa amin na gawin ang wasto.

    Ikatlo, ano pa bang mas sasarap pa sa pakiramdam kaysa sa maghanapbuhay hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa Bayan? Iba ang naidudulot na karangalan ng paglilingkod sa kapwa at sa ating minamahal na bansa.

    Muli, nananawagan ako na kayong mga magsisipagtapos sa kolehiyo ay isiping magtrabaho sa pamahalaan.

    At mas matibay ko itong inirerekomenda sa mga mag-aaral na nanggaling sa State Universities and Colleges dahil ang matrikula ninyo ay may subsidyo mula sa buwis na ibinabayad ng bawat mamamayan.

    Hindi ko sinasabing gawin ninyo ito dahil lamang sa utang na loob, kundi gawin ninyo ito dahil sa pagmamahal ninyo sa Bayan,  pagmamahal din para sa bawat mamamayang Pilipino at dalisay na hangaring maglingkod ng tapat at buo ang loob.

    Sa pagtatanong natin ng kung ano nga ba ang kinabukasan, ang simpleng sagot diyan ay: KAYO—kayong mga kabataang nagpursiging magtapos ng kolehiyo at may mga kakayahang magagamit ninyo sa paglilingkod sa loob ng pamahalaan para sa Bayan.

    Ikagagalak kong makakita ng mga bagong mukha na mas nakababata rito sa Kongreso at sa iba pang sangay ng pamahalaan.

    Nakakapagbigay ito sa aming mas nakatatanda ng karangalang magtrabaho sa loob ng gobyerno na may kaakibat na bagong kaalaman na patuloy pa rin at mas naipapaigting pa ang kagustuhang magbigay serbisyo para sa sambayanan.

    Sama-sama nating iwasto ang mga nakikita nating mali sa pamahalaan at lipunan.

    Sama-sama tayong maghanapbuhay para sa ikaaayos ng buhay ng bawat Pilipino. Pagbati sa mga magsisipagtapos!

    Mabuhay kayo!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here