Sa pagsapit ng Mahal na Araw, mabilis na sumagi sa ala-ala ko ang mga pangyayari sa nakaraang tatlong buwan — na punong-puno ng mga kaganapang nagpasaya, nagpalunglot, nagbigay aliw, nagpabagabag, o nagbigay pag-asa.
Ang mahalaga, matutunan natin ang mga leksyon o aral sa likod ng mga kaganapan.
At ‘di naman maipagkakaila na tila umikot ang mundo natin nitong mga nakaraang linggo sa halos araw-araw at minsa’y oras-oras na pag-uusap tungkol sa Impeachment Trial para sa Punong Mahistrado, Renato Corona, na isinantabi muna sa pagsapit ng Kuwaresma.
Makaraan ang linggo ng pagninilaynilay, magpapatuloy po ang paglilitis at masasabi ko, nalalapit na rin po ang katapusan ng paglilitis, ang paghatol, at panimula ng mga pagbabago.
Mga kabalen, tulad ng nabanggit ko sa ating pag-uusap sa kolum ko noong mga unang araw pa lamang ng impeachment trial, ang kasalukuyang paglilitis ay isang sagradong kaganapan.
Ang pagiging sagrado nito ay dahil sa isang mahalagang layunin – ang paghahanap sa katotohanan. “The Quest for Truth.”
At ang temang ito ang gumabay rin sa ating bayani, si Ninoy Aquino, na naalala rin natin sa walang kamatayang awit, ang “Impossible Dream.”
“This is my quest, to follow that Star, no matter how hopeless, no matter how far, to fight for the right, without question or pause… to be willing to march into hell for that heavenly cause…
At bahagi rin ng awit ang mga katagang, ”To be willing to die so that honor and justice may live…”
Ang “Star” po dito, alam nating lahat, ay sumisimbulo sa Katotohanan. Ito rin po ang gumabay sa Tatlong Haring Mago sa paghahanap nila sa isinilang na sanggol sa Bethlehem, si Jesus, ang sentro ng Kuwaresma, na makaraang mag-bigay aral sa halaga ng Katotohanan, at makamit ang Kaligtasan, ay pinarusahan at pinako sa Krus sa Bundok ng Kalbaryo.
Sa paghaharap namin sa paglilitis bilang panig ng prosekusyon, ginagampanan din ang sinumpaang tungkulin bilang miyembro ng House of Representatives, bitbit ang pagtitiwala ng mga kalalawigang nagluklok sa amin upang manilbihan.
Sa pagganap ng tungkulin, tinanggap namin ang pagtutuwid ng Impeachment Court, maging ang mga nakabibinging hiyawan ng ilang bahagi ng madla.
Ngunit ‘di kami nanlumo, at sa paglilitis ni Chief Justice Corona, hindi kami nalihis sa aming layunin, at nanatiling naka-sentro ang aming mga sakripisyo at pagpupunyagi sa paghahanap ng Katotohanan.
Hindi natin naging hangad ang ilabas ang mga kakulangan ng ating punong mahistrado. Lahat naman po ng tao ay hindi perpekto.
Ang layunin natin ay ipagtanggol ang Konstitusyon – ilahad ang inihain na reklamo, at ipabatid sa lahat na hindi pinapayagan ng gobyerno ang pandaraya, ang kalabisan, at pag-abuso sa kapangyarihang ipinagkatiwala na taumbayan.
Kung may mga napansing mga pagkukulang sa amin bilang prosekusyon ang ating Senate Court, ang mga ito’y itinuwid sa harap ng taumbayan kung kanino kami ay sumumpa na magsisilbi sa abot ng aming makakaya.
Kami man sa prosekusyon ay maraming natutunan: Ang maging mapagkumbaba ngunit manatiling matatag sa mga hamong kinakaharap, sapagkat binabalikat namin ang pagtitiwala, pagsamo, at pag-asa ng taumbayan na hindi maikukubli sa habampanahon ang kasinungalingan at magwawagi din sa huli ang Katotohanan.
Ang pagninilaynilay sa Kwaresma ay nakatuon sa pagsisisi sa mga kasalanan. Magsamasama tayo sa panalangin, na mabigyan ng ng lakas at pag-asa tungo sa pagbabagong buhay.
Pagsumikapan nating maging matuwid at mapagkumbaba, at maging matatag laban sa tukso ng yaman at kapangyarihan.
Hanapin natin ang Katotohanan na magpapalaya sa atin!