Ang kasalukuyang impeachment trial na hinaharap ng ating punong mahistrado Renato Corona ay malamang na pinakamahalaga nang kaganapang pampamahalaan at pampulitika sa bansa sa ilalim ng liderato ni Pangulong Aquino.
Nagiging masalimuot ang mga isyu kaugnay ng impeachment. Ngunit nananatiling tiyak ang hangarin ng prosekusyon na mailahad ang mga katotohanan na magpapatunay sa mga lumilitaw na pagkukulang ni CJ Corona.
Ano ba ang lumilitaw na pagkukulang ni Corona?
Una rito ang hindi paghain sa publiko ni Corona ng kanyang SALN, o statement of assets, liabilities, and net worth.
Kaugnay nito, mahalaga na maunawaan ang pinaka-dahilan kung bakit humahaharap ang ating Supreme Court Chief Justice sa isang reklamo ng impeachment na nagmula sa House of Representatives.
Ito ay ang pagkubli niya sa publiko sa loob nang mahabang panahon ng kanyang SALN.
Nagtagumpay ang prosekusyon na kumbinsihin ang mga senator judges na ipalabas ang SALN ni Corona sa mga unang araw pa lang ng isinasagawang impeachment trial.
Paano ba nagsimula itong SALN at bakit mahalaga ito?
Sinimulang pinatupad ang pagsumite ng sinumpaang SALN nang naisa-batas ang Republic Act 1379, isang batas laban sa korupsiyon kung saan inatasan ang gobyerno na bawiin ang mga ari-arian na nakuha ng sinumang opisyal sa illegal na paraan.
Nakasaad sa batas: Every public officer (is required) to file “a true detailed and sworn statement of assets and liabilities, including the amounts and sources of his income, the amounts of his personal and family expenses and the amount of income taxes paid.”
Ito ay nag-umpisa noong 1960 upang magkaroon ng baseline kung saan maaaring ikumpara ang mga susunod na taong SALN na isusumite.
Sa chapter F naman ng 1987 Constitution, itinakda ang pagsumite ng SALN taon-taon para sa lahat nang naglilingkod sa gobyerno.
At kasunod ng R.A. 6713, ito’y itinakda na rin bilang Constitutional duty ng lahat ng mga public officials.
Mahalaga ang taun-taong makita ang SALN kaalinsabay ng pagsumiti ng income tax return (ITR) upang makita kung sapat nga ba ang kita niya upang mabili ang mapalago ang mga idinedeklara nyang ari-arian.
Samantala, sa Article XI ng 1987 Constitution, nakasaad naman ang accountability of public officials: Ang pagpapamalas ng katapatan sa sinumpaang tungkulin, at maging halimbawa ng marangal na pumumuhay.
Ikalawa, ang itinakda ng batas ay hindi lamang sa paghahain ng SALN, kundi maging sa pagsasapubliko nito.
Sa kabuuan, nabibigyang linaw ng mga batas at ng mga nakasaad sa ating Saligang Batas ang isa sa mga kadahilanan kung bakit humaharap sa paglilitis ngayon ang ating punong mahistrado.
Ito’y sa dahilang hindi pagsasa-publiko ni CJ Corona ng kanyang SALN, alinsunod sa itinakda ng R.A. 6713, at hindi dahil nakaligtaan lamang ang paghain ng naturang dokumento.
Sa paglilitis na ito, ipinaabot din sa sambayanan na ang serbisyo publiko ay naisasagawa lamang ng isang pampublikong opisyal sa bisa pampublikong pagtitiwala at kumpiyansa ng sambayanan.
Ngayong, pag-aralan natin kung paano isasagawa ang hamon ng administrasyong Aquino na puksain kultura ng korupsiyon na bumabalot sa maraming mamamayan.
Sapagkat ang korupsiyon ay maihahalintulad sa anay na naninira sa pangarap ng lahat ng Pilipino na maging tuluy-tuloy ang pag-unlad at makabangon sa kahirapan.