Ang mamamayan sa gitna ng Corona impeachment

    430
    0
    SHARE

    Mga kabalen, alam na alam naman nating lahat ngayon na isang napakainit na isyu ang kasalukuyang mga usapin tungkol sa impeachment ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si Renato Corona.

    Kaya nga sa bawat araw na dumaan, tila wala ring katapusan ang pagbulusuk ng iba’t-ibang anggulo sa mga balita at tema ng ulo ng mga balita. 

    Ang ganitong uri ng proseso na nakasaad sa ating Saligang Batas ay isa sa mga pamamaraan upang tiyakin ang pananagutan ng ating mga pampublikong opisyal. Ito ay ang isang daan upang siguraduhing maitutuwid ang mali at maiwawaksi ang tiwali.

    Ang tanong ng marami sa atin, bakit nga ba natin ito ginagawa? Bakit ba natin balak ipatanggal si Corona mula sa kanyang posisyon?

    Simple ang sagot. Nais lamang natin na magkaroon siya ng pananagutan sa mga alegasyon laban sa kanya.

    Nagkaroon ang Korte Suprema, sa kanyang pamumuno, ng mga desisyong hindi makatarungan, na isang malaking kabalintunaan sa pagiging sandigan nila ng hustisya.

    Sabi nga, nagkaroon ng “betrayal of public trust” o pagtataksil sa tiwala ng taumbayan sa bahagi ni Corona.

    Hindi kinakailangang gumawa siya ng karumaldumal na krimen upang magtaksil sa tiwalang ito na ibinibigay natin.  Ang pagbalibaligtad halimbawa ng desisyon hinggil sa 16 na munisipipyo na ginawang syudad, sa ilalim ng kanyang pamumuno, ay malaking gulo ang idinulot sa pinansya ng 16 na mga munisipyong ito. 

    Base sa kanyang mga nagawang mga desisyon at pagkilos, kung ang mga ito ay nakasisira sa tiwala ng taumbayan sa institusyong kinabibilangan niya, sapat na itong dahilan upang ilagay siya sa isang makatarungang proseso kung saan titingnan natin kung tama lang bang matanggal siya sa kanyang posisyon.

    Ang impeachment ni Corona ang mag-papasimula ng tuloy-tuloy nang pagtahak ng gobyerno sa daan matwid na siyang pangunahin sa administrasyon ni Pangulong Aquino.

    Lilinisin ang hanay ng mga opisyal sa pamahaalaan, kakasuhan at parurusahan ang mga mapapa-tunayang nagkasala. Isang malinis na bansa sa ilalim ng isang matinong pamamahala ang  tangi naming hangad sa ating pagsisikap na ito.

    Sinasabi ng iilan na ang paghahain ng impeachment laban kay Corona ay isang atake sa buong Hudikatura.

    Hindi ako sumang-ayon dito.

    Oo, ang impeachment na ito ay hindi  para lang matanggal si Corona sa puwesto dahil sa mga ginawa niya.

    Ito ay  hakbang upang ibangon ang dangal ng lugmok na lugmok ng Hudikatura. 

    Mahirap ang prosesong ito ngunit kailangang gawin upang matanggalan ng harang ang tuwid na daan. Bahagi ang bawat mamamayan sa usaping ito.

    Mapapanood natin ang paglilitis na ito sa mga telebisyon at mapapakinggan sa radyo. Mababasa natin ito sa mga pahayagan at kahit sa Facebook. Ngunit, hindi lamang tayo tagamasid at tagakinig.

    Bahagi tayong lahat nito dahil ito ay ang paniningil natin na managot ang isang mataas na opisyal sa kanyang sambayanang pinagli-lingkuran.

    Nawa’y sa mga magaganap sa mga susunod na araw, naririyan tayong lahat upang magkaroon ng kaalaman at pakialam, at, higit sa lahat gumawa ng paraan upang makialam.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here