Karapatang pantao iaangat ng FOI

    436
    0
    SHARE

    Sa mga nakaraang kolum pinaliwanag ko kung paano mababawasan kung hindi man tuluyang mapipigilan ng House Bill 53, o Freedom of Information (FOI) bill ang korupsiyon sa ating kultura at sa sistema ng mga opisinang gobyerno kung ito ay magiging batas na.

    Ito ay nagaganap sa pamamagitan ng mandato na ihayag sa publiko ang mga mahahalagang impormasyon sa finance, budget, kontrata at aktwal na gastusin.

    Sa kasalukuyan nga ay may mga departamento tulad ng Public Works and Highways, na nagbibigay na ng impormasyon hinggil sa kani-kanilang mga pangunahing proyekto.

    Magiging hayag na sa lahat ang kaukulang impormasyon sa operasyon ng isang opisinang gobyerno, o kaya’y kapag nagkaroon ng request upang bulatlatin ang ilang isyu.  Pati nga sa mga gastusin sa lokal na pamahalaan, makikita kung alin ang priyoridad ni mayor at ng sanggunian – kung mga multicab at waiting shed ba, o pagkakaroon ng mga gamot sa botikang barangay at maayos na extension work sa mga magsasaka.
    Ang kakulangan sa paghahayag ng kaalaman o impormasyon tungkol sa operasyon at paggamit ng pondo para sa mga proyekto ay nagbibigay ng mga pagkakataong magkaroon ng pagkakaperahan ang ilang mga tiwaling pinuno at tagasunod.

    Isang halimbawa dito ay ang kamakailang pag-postpone ng PSALM (Public Sector Assets and Liabilities Management Corp.) ng naka-iskedyul nitong bidding ng isang power plant. Ang postponement ng bidding ng Naga power plant ay bunsod ng isang request mula sa Joint Congressional Power Commission, kung saan ako’y bahagi rin, na linawin muna nito ang ilang mga tanong sa bidding procedures at parameters.

    Samantala, hindi naman sakop ng FOI ang police and military operations sa pagtupad ng mga tungkuling pangkapayapaan. Maaari kasing malagay sa alanganin ang ating mga sundalo at pulis  kung sakaling sila ay nasa kalagitnaan ng anti-crime operations.  Sariwa pa sa isipan natin ang nangyaring trahedya sa Quirino Grandstand hostage crisis na kung saan namatay ang ilang Hong Kong nationals dahil na rin sa walang malinaw na guidelines kung paano dapat i- kordon ang lugar at kung hanggang saan lang ang mga mamamahayag.

    Mayroon ding ilang operayon ang mga sundalo na tigmak naman sa karahasan at hindi bahagi ng legal na tungkulin ng mga militar. Ang mga halimbawa dito ay hazing at torture. Ang hazing at torture ay hindi bahagi ng operasyon ng pulis at sundalo, maging ang biktima man ay kalaban.  Ganoon din ang pag-torture sa mga bihag habang kumukuha ng impormasyon tungkol din sa mga kalaban gaano man ito kahalaga.

    Tandaan natin na may mga batas na nagbabawal sa “hazing,” at ganoon din sa torture. Ang inyong lingkod ang may akda ng Anti-Torture Law. Mayroon ding kinasasangkutan ang ilang opisyal at miyembro ng military sa enforced disappearances na isa ding krimen.

    Kapag naisa-batas na ang FOI, hindi na kara-karakang maisasagawa ang hazing at torture, at maaari nang sampahan ng kaso ang sinumang unipormado lumalabag dito.

    Sa pamamagitan ng FOI, hindi na pwedeng ilihim ng militar ang pag-torture ng sinuman, lalu na ang pagdukot sa mga pinaghihinalaang mga kaaway ng pamahalaan, o enforced disappearances.

    Ang kasalukuyang problema ay hindi pinapayagan na pa-obserbahan ang kanilang mga kampo nang dahil lamang may hinahanap silang kamag-anak. Subalit ang tanong: kung wala naman talaga ang kanilang mga hinahanap na kamag-anak sa kanilang mga kampo, bakit hindi sila payagang bumisita sa mga kampo?

    Sa mga dayalogo tungkol sa pagsasabatas ng FOI, sinisilip din namin ang mga paraan kung paano makatutulong ang FOI na maigupo ang kahirapan at mawaksi ang salot na ito.

    Mapapansin na kay dami ng tulong na pwedeng maibigay ang FOI sa mga mamamayan. Ang FOI ay magiging mistulang biyaya na tutulong mag-angat sa ating sistema ng demokrasya, pagbibigay ng maayos na serbisyo publiko at pagbaba ng mga human rights violations.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here