Ang 3 K sa matuwid na pamamahala

    527
    0
    SHARE

    Kumusta mga Kabalen ko.

    Nitong Biyernes ay nakasama ko ang Philippine Councilors’ League – Ilocos Norte Federation, kung saan binahagi ko ang aking mga ideya tungkol sa mga mahalagang sangkap ng matuwid na pamamahala o good governance.

    Siyempre, bilang mga kabalen, di ko palalampasin ang pagkakataon na maibahagi ko rin sa inyo ang tungkol sa Tatlong K ng Matuwid na Pamamahala.

    Mapapansin ninyo na ang pamagat ng aking kolum ay Maging Maalam, Maging Malaya. Iyan ang unang K – ang Karunungan.

    Ang karunungan ang una sa lahat, dahil ito ang magpapalaya sa atin sa lahat ng nagpapahirap sa ating kalagayan – ang pagka-dukha, ang kamangmangan, at ang iba pang kahinaan natin at pagkukulang.

    May karapatan tayong mabigyan ng kaalaman at impormasyon sa ating mga katanungan, at ito ay mangyayari lamang kung ipagtitibay ng batas.

    Kaya ipinanukala ko ang Freedom of Information (FOI) bill.

    Hindi po hangad ng FOI na manghimasok sa pamamahala ng gobyerno; hangad ng FOI na gampanan ng gobyerno ang tungkulin nitong ipaalam sa mamamayan ang mga impormasyong may kinalaman sa public interest, o sa interes ng publiko.

    Mahalaga na may kaalaman ang mamamayan sa mga bagay ukol halimbawa sa paggasta, kung anu-ano ang mga proyekto na napopondohan, kung paano pinipili ang mga proyekto, at kung paano natitiyak ng gobyerno na naipatutupad ng maayos ang mga naturang proyekto.

    Nangangahulugan mga kabalen, magiging kabahagi ang mamamayan sa pagbabantay sa proseso ng paggasta ng pondo ng bayan, sa transparency at accounatability, kaya’t makatutulong ang FOI sa kampanya ng pamahalaan laban sa korupsiyon!

    Ikalawa, ang kalikasan.

    Napakahalaga ng kalikasan dahil ito ang kamakanlong, nag-aalaga, at nagbibigay-buhay sa atin. Kaya’t anumang pagpapabaya, ito rin ang maaaring pagmulan ng mga nakamamatay na sakuna, tulad ng pagbaha.

    Kaya hindi natin ito pwedeng isantabi lang. Kailangan nating maghanda, magkaroon ng depensa.

    Sa bahaging ito ako’y may dalawang panukala: Ang People’s Survival Fund for Climate Change at Establishment of Marine Protected Areas sa mga Coastal Communities.

    Ang Survival Fund ay pondo na maaaring ilaan at ipamahagi sa mga LGU na makabubuo ng programa ng paghahanda laban sa mga banta ng climate change, tulad ng pagbaha.

    Ang pokus dito ay ang pangangalaga sa mga biyaya ng kalikasan at disaster-mitigation, o pagbabawas sa mga panganib o epekto na pananalasa ng mga bagyo, patuloy na pag-ulan, o iba pang dulot ng pabago-bagong lagay ng panahon.

    Kailangan ding pangalagaan ang marine resources, na siyang ikinabubuay ng maraming Pilipino. Sa pamamagitan ng pakikipag-tulungan sa mga lokal na pamahalaan, mapagtitibay ang mga hakbang tungo sa pangangalaga ng mga pook-baybayin.

    Kailangang umiwas sa mga maling paraan ng pag-angkin sa mga pakinabang mula sa tabing-dagat.

    Ikatlo, ang kalusugan.

    Sa puntong ito mayroon akong panukala na maghanhanda sa pagkakaroon ng Universal PhilHealth Coverage.

    Sa ngayon marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang PhilHealth coverage. Ang masaklap dito, ang karamihan sa kanila’y mga mahihirap.

    Ang aking panukala ay magbibigay ng mekanismo na magpapa-enrol sa mga kasama sa informal sector, o yaong mga hindi empleyado sa pribado o gobyerno na may mga sariling pinagkakakitaan.

    Sa aking panukalang batas, requirement ang maging miyembro muna ng PhilHealth sa pagkuha ng lisensiya para sa negosyo o pinagkakakitaan.

    Isipin na lang ninyo ang pakinabang sa maging miyembro ng PhilHealth. Alam ng mga miyembro ito. Malaking diskwento sa gastos pang-ospital ang maipagkakaloob ng pagiging PhilHealth enrolled.

    Samantala, kung hindi pa kayo naka-enrol sa PhilHealth, at kayo ay na-ospital, malaki ang magiging panghihinayang ninyo sa gastos sa oras na mao-ospital kayo.

    Ang 3 K sa matuwid na pamamahala na binahagi ko sa inyo ay para lahat sa ating proteksiyon at interes.

    Proteksiyon mula sa kamangmangan o kakulangan sa kaalaman, proteksiyon sa kalikasan na nangangalaga sa atin, proteksiyon sa ating kalusugan.

    Kapag nasa atin ang tatlong K na ito, susunod na ang iba pa nating interes at pangangailangan. Ito ang mga mahahalagang sangkap na sa aking palagay ay kailangan sa matuwid na pamamahala na isinusulong ng ating gobyerno sa pamumuno ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here