Higit sa lahat, ang katotohanan

    478
    0
    SHARE

    Mga kabalen, nais ko pong ibahagi sa inyo ang pambungad na mensahe ko sa pagsisimula ng fact-finding at investigation ng Komite na naatasan akong pamunuan noong 07 September hinggil sa napa-balitang panloloob sa House of Representatives Complex sa Quezon City na naganap noon pang 2005.  Narito po.

    Sinabi ni Albert Einstein: “The search for truth is more precious than its possession.”

    Mga kasama sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, tayo ay nabigyan ng mandato: Ang mangalap,  magtanong at kunin ang tuna na mga datos na may kaugnayan sa napa-balitang panloloob at pagpapalit ng mga election returns (ER) na nakalagak sa Batasan Complex, na di-umano’y isinagawa ng mga operatiba ng PNP at ilang sibilyan noong 2005.

    Kami ay determinado na malaman ang buong katotohanan at kung kinakailangan, magrekomenda ng mga kaukulang aksiyon at pagbabago.

    Sa totoo lang, kami ay may mas mabigat na tungkulin hinggil sa isyung ito.

    Dahil sa nabalitang pangyayaring ito na naganap diumano anim na taon na ang nakalilipas, tila nadungisan muli ang pagkilala ng mamamayan sa House of Representatives.  

    Naka-atang sa aming mga balikat ngayon ang ibalik ang integridad ng Kongreso, at panatilihin ang lagablab ng apoy ng pag-asa.

    Sa mga taong may may maitim na pag-iisip at hangarin na manipulahin ang proseso ng halalan at nakapasok na nga sa aming pasilidad nang wala kaming pahintulot, kayo ay aming papananagutin.

    Ang ginawa ninyo, kapag napatunayan, ay panlalabag sa kasagraduhan ng Lehislatura at kawalan ng respeto sa mga miyembro ng Kapulungan.

    Ayon sa mga report, apat na beses di-umano ang panloloob na isinagawa ng PNP Special Action Force kung saan ineskort ng mga naturang operatiba ang ilang Comelec officials ang ilang sibilyan.

    Animo’y mga tulisan, pinasok nila ang Batasan Complex at pinuntirya ang South Wing kung saan nakalagak ang mga ballot box na naka-iskedyul na i-canvass ng Presidential Electoral Tribunal.

    Bitbit ng mga nanloob ang mga pekeng ER, kinuha ang mga orihinal na ER, at ipinalit ang dala nilang peke, habang mahimbing na natutulog ang diumano’y iilang mga kagawad ng Congress Security Team.   

    May mga tanong na naghahanap ng kasagutan.

    Talaga bang nagkaroon ng break-in? Break-in nga ba ang naganap, gayong wala namang indikasyon ng pwersahang panloloob dahil maayos pa naman daw ang mga pinto at gate?

    At kung nagkaroon nga ng break-in, mayroon bang naganap na cover-up pagkatapos nito? Meron bang mga kasabwat? Sino o sinu-sino?

    Nagkaroon ba ng imbestigasyon o report na naisumite ng Congress Security, ng PNP, o ng Comelec? Kung meron man, nasaan ang mga report, at kanino insinumite ang mga naturang report?

    May pagkakamali ba o kakulangan ang Kongreso sa mga safety measures na dapat na naitalaga at ganun-ganun na lang nakapasok at nakapagsagawa ng ER switching?

    Ayaw ko man sabihin, at mahirap mang banggitin, pero… itanong na natin: May mga kasabwat ba sa mga miyembro ng Kongreso?

    May mga nagsasabi, ang higit na mahalaga ay mag-move on na ang Kongreso. Anim na taon na rin ang nakaraan. Eka nga nila, past is past…

    Ang sagot ko’y hindi!

    Hindi simpleng panloloob iyon sapagkat nilabag nila ang kadakilaan at dangal ng institusyon ng pagpipili ng sambayan ng mga kanilang mga mga pinuno na bibigyan ng kapangyarihan upang magdesisyon para sa kapakanan ng bansa at ng nakararami. Niyurakan nila ang kaibuturan ng ating demokrasya!

    Hindi tayo papayag na lapastanganin ng ilang masasamang tao ang karapatan ng karamihan na pumili ng magiging mga pinuno para sa lahat. Ang palampasin ang kamaliang ito ang higit na malaking kasalanan.

    Kailangang matuklasan ng taumbayan ang Katotohanan, Kaya sinasabi ko sa lahat ng mga may kinalaman at naging bahagi sa napabalitang Batasan break-in, sa mga nag-aakalang mga untouchable pa rin sila, bilang na ang mga araw ninyo!

    We will leave no stone unturned. Wala tayong sasantohin. Trabaho at katotohanan lang, walang personalan.

    Magiging patas at masusi tayo, pero isasagawa natin ang imbestigasyon nang walang takot.

    In our search, we will make the Filipino believe in us again.

    Mga kabalen, lumilitaw na magkaiba ang deklarasyon ng mga tumatayong responsible sa pag-iingat ng mga ER nang mga panahong iyon, at ang mga umaamin na sila ang may kagagawan ng panloloob.

    Sinasabi naman ngayon ng mga taga Congress security na walang naganap na panloloob.

    Kaya kailangan pa tuloy patunayan ng mga PNP special forces na pinasok nga nila nang walang pahintulot ang Batasan Complex upang maisagawa ang ER switching…

    Kung baga sa pelikula, parang ganito ang eksena sa korte at mga dayalogo ng mga witnesses na pawang katotohanan lamang ang sasabihin:

    Diumanong Magnanakaw: “Your honor,  panahon na upang isiwalat ko ang katotohanan. Ako, kasama ang ilan sa mga tauhan ko, ang nagsagawa ng panloloob at pagnanakaw sa opisina ng biktima.”

    Diumanong Sekyu ng Opisina: “Your Honor, kami po ang nagbabantay noong mga gabi na sinabi ng magnanakaw na nanloob sila. Nagsisinungaling po ang magnanakaw na ‘yan.

    Wala naman pong nawala sa aming opisina at tila hindi naman po binuksan ang mga pinto at cabinet sa opisina.

    Nag-inspeksiyon po kami pagkaraan ng anim na buwan at may ginawa kaming report na intact pa naman po ang opisina at kagamitan nito.”

    Diumanong Magnanakaw: “Your honor, parang may bantay naman noon at baka masarap lang po ang tulog nila nang manloob kami kaya di nila namalayan.”

    Mga kabalen, magpapatuloy po ang fact-finding at imbestigasyon naming sa October 10. Hanggang sa susunod na kabanata…

    Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tañada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here