Ginto, o pagkain muna?

    525
    0
    SHARE

    Mga kabalen ano ang mas mahalaga ngayon, ginto o pagkain?

    Ito ang tinalakay naming kamakailan sa isang round table discussion sa Kongreso na inisponsor ng aking tanggapan kung saan ilang eksperto ang kabahagi.

    Pangunahing resource person ng talakayan si Clive Wicks, isang British, na bahagi ng fact-finding mission dito sa Pilipinas noong 2008 tungkol sa pagmimina sa Pilipinas, at ang naging epekto nito sa seguridad sa pagkain ng ating bansa.

    Nabatid mula sa talakayan na nagiging matindi na ang epekto ng pagmimina sa bansa. At kung magpapatuloy ito nang walang pakundangan, malamang tuluyang magkaroon ng food shortage at pagkasira ng bio-diversity sa ating kapaligiran, lalo na sa mga kagubatan.

    Katunayan, nirekomenda ng fact-finding mission ang mining moratorium sa anim na lugar sa bansa: 1) Midsalip, Zamboanga del Sur; 2) Libay, Zamboanga del Norte; 3) Tampakan, South Cotabato; 4) Pujada Bay, Davao Oriental; 5) Victoria, Mindoro Island, at Sibuyan Island.

    Nauna rito, ang European Commission, noong 2005, ay nagpalabas na ng assessment para sa bansa hinggil din sa naging kalabisan sa pagmimina:

    “The Philippines has rich and diverse natural resources. However, these resources are being rapidly depleted due to a variety of mutually reinforcing negative factors: high population pressure with majority of the poor deriving their income from natural ecosystems; advancing industrialization, conflicts of interest between long-term environmental concerns and short-term profit motives in particular regarding logging and mining; absence of political will (and therefore of allocation of resources) to enforce effective implementation of a relatively comprehensive legal and regulatory regime and lack of clearly defined mandates and responsibilities between the various layers of central and local authorities.”

    Mayaman nga ang ating bansa sa mga minerals, tulad ng ginto, tanso, chromite, nickel, coal, limestone, iron ore, pilak, platinum, palladium, at maging uranium.

    Ang problema lang, sa mga pook kung saan maraming minerals matatagpuan din ang mga lugar na may mayamang bio-diversity tulad ng mga kagubatan, sa mga geohazard zones na madalas tamaan ng bagyo, lindol, landslides, at volcanic eruptions.

    Sa mga lugal din na may mayamang bio-diversity naninirahan ang mga indigenous peoples.

    Isang halimbawa, dito sa Central Luzon, ang mga Aeta, na nananahanan sa mga kabundukan sa Pinatubo area – sa bahagi ng Porac at Clark, sa Pampanga, at Sta. Juliana sa Capas, Tarlac.

    Ayon sa Fact-Finding Mission ng ahensya ng UK International Development noong 2006:

    “Mining in the Philippines is being developed at a speed… scale… and in a manner likely to cause massive long-term environmental damage and social problems.

    Current mining plans will undermine the government’s own strategy for sustainable development by destroying or severely damaging critical ecosystems, including watersheds, rivers, marine ecosystems, and important agricultural production areas.”

    May katotohanan ito.

    At ang panghihina ng kakayahan ng bansa hinggil sa food security ay isang malaking posibilidad. Mangyayari ito kung hindi kikilos ang ating pamahalaan.

    Kailangang baguhin ng pamahalaan ang pamamaraan ng pagmimina bunsod ng lumalalang kalagayan ng ating natural resources.

    Kaugnay nito, mainam na magsagawa din ng information and education campaign (IEC), sa pakikipagtulungan na rin sa mass media, tungkol sa pag-iingat sa ating mga kagubatan at mga watershed, sapagkat ang pagkasira ng mga ito ay magdudulot ng kakulangan ng tubig para sa agrikultura. Lalong magiging pahirapan sa tubig-irigasyon mga kabalen.

    Higit sa lahat kailangan din ang long-term cost-benefit assessment o pagtutuos – hindi lamang sa revenues sa pagmimina sa isang lugar – kundi sa halaga ng pagkain na mawawala kung magpapatuloy ang pagmimina sa isang lugar.

    Sa pamamagitan ng ganitong cost-benefit assessment, magkakaroon tayo ng malinaw na batayan kung saan-saang mga lugar sa bansa tayo maaaring magpatuloy sa (wastong) pagmimina nang hindi naman masyadong napipinsala ang watershed at forest resources natin, at ang agrikultura para mapangalagaan ang food security ng bansa.

    Isang kaalaman: Ang Pilipinas ay isa sa sampung bansa sa mundo na higit na ma-aapektuhan ng climate change.

    Kaya kung hindi tayo magsasagawa ngayon ng mga kaukulang hakbang para iwasto ang mali – at ito ang walang pakundangang pagmimina – higit nating mararamdaman ang mga epekto at peligrong dulot ng climate change, na tinawag nang isang creeping disaster!

    Umasa kayo na ipagpapatuloy ko ang pag-aaral at pakikipag-ugnayan hinggil sa wastong pagmimina, pangangalaga ng kalikasan, at pagpapatatag ng food security sa bansa.

    Sa wastong pagmimina, may maunlad tayong agrikultura, at sa mga hapag-kainan, may tubig at pagkaing sapat, ngayon at sa hinaharap.

    Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tanada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.
     

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here