Pwede bang maging makatao ang pagpapalayas – demolisyon man o eviction eviction — sa ating mga informa settlers?
Sa usaping ito, pumapasok sa isipan ko ang ginawang panununtok kamakailan ni Mayor Sara Duterte-Carpio sa isang court clerk na nagpapatupad ng demolition order sa Davao City.
Nakakalungkot ang pangyayari. Naimbestigahan na ang isyung ito, pero mukhang mas mahirap maresolba ang ugat ng problema ng panununtok ng mayor.
Ito ang squatter problem, ang malaking kakulangan ng pabahay para sa mga mahihirap, at ang kakulangan sa mga kasalukuyang batas sa housing at urban development na ipagtanggol ang mga mahihirap sa mapang-api at mapangmaliit na pamamaraan ng eviction at demolisyon.
Kailangan natin ang mga angkop na batas para matigil na ang marahas na pagpapalayas sa ating mga informal settlers.
Tutoo, binigyang diin sa ating Saligang Batas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katarungang panlipunan o social justice.
Nakasaad sa Konstitusyon, sa Section 10, Article XIII, “Urban or rural poor dwellers shall not be evicted nor their dwelling demolished, except in accordance with law, and in a just and humane manner.”
Bilang tugon sa Article XIII, na sumasakop sa urban land reform and housing, nabuo ang Republic Act 7279, o ang Urban Development and Housing Act.
Ito ay may layong maprotektahan ang mga mahihirap sa di-makatarungang eviction at demolisyon ng mga pamamahay ng mga informal settlers.
Ngunit hindi nito nabigyan ng solusyon ang mga mas masalimuot pang isyung nakapaloob sa paglaki ng hanay ng mga informal setlers — ang kahirapan, at kahirapang magkabahay.
Gayun din sa pagtugon sa mga pangangailangan ng pag-unlad ng imprastraktura at mga komunidad kung saan binibigyang daan, kung kina-kailangan, ang eviction at demolisyon ng mga illegal structures.
Ito ang nagbunsod sa paghain ko ng House Bill 3403, “An Act strengthening the right of the underprivileged and homeless citizens to adequate housing,” amending for this purpose Republic Act 7279 otherwise known as “An Act to Provide for a Continuing Urban Development and Housing Program, Establish the Mechanism for its Implementation, and for other purposes” o ang “Urban Development and Housing Act of 1992.”
Ako’y naniniwala na higit na kakailanganin natin ngayon ang batas na magbibigay ng kasiguruhan na ang mga eviction ng mga informal settlers o ang demolisyon ng kanilang mga barong-barong ay maisasagawa sa makataong pamamaraan.
Sa Section 28 ng H.B. 3403, bilang general rule, ipinagbabawal ang eviction o pagpapalayas sa mga walang bahay o ang demolisyon ng kanilang mga barong-barong. Magagawa lamang ang eviction bilang “last resort.”
Sa kasalukuyang umiiral na batas, sa R.A. 7229, maaaring magsagawa ng eviction o demolisyon sa ilalim ng mga sumusunod na sitwasyon:
(a) Kapag ang mga ino-okupahang bahay ay nakatayo sa mga delikadong lugar gaya ng mga estero, rilis ng tren, bunton ng basura, tabing ilog, baybaying dagat, kanal, at iba pang mga pampublikong lugar tulad ng sidewalk, daan, parks o playgrounds;
(b) Kapag may mga proyektong pang-imprastraktura na napondohan ay isasagawa na, o
(c) Kapag may court order for eviction and demolition.
Dagdag pa, maisasagawa lamang ang eviction ng mga underprivileged at homeless o demolisyon na may court order kapag ang kinauukulang ahensiya ay may nakahandang relocation o resettlement site para sa apektadong iskuwater.
Bukod dito, kailangang may nakatalagang basic services at pasilidad, at may mga trabaho o kabuhayan na angkop sa mga settlers sa paglilipatan.
Mainam na rin na sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang relocation ng mga mahihirap at mga nawalan ng tirahan ay isasagawa sa tulong ng local government unit (LGU), ng National Housing Authority, at ng iba pang mga ahensiya.
Isasagawa ito sa loob ng 45 araw mula sa issuance ng final judgment ng korte. At kapag ang relokasyon ay hindi posible sa loob ng 45 araw, may financial assistance na ipagkakaloob sa halaga katumbas ng 60 araw na daily minimum wage.
Bilang amyenda, sa ilalim ng panukalang batas H.B. 3403, ang pagtanggap ng financial assistance ay hindi nagsasabing wala ng obligasyon ang LGU na mabigyan ng tamang relokasyon ang informal settlers.
Sa paghahanap ng relocation site, nakasaad sa H.B. 3403 na kailangan munang matukoy ang mga pinaka-malalapit na lugar para dito.
Bunsod nito, dapat magkaroon muna ng kumpletong imbentaryo ng mga pwedeng lugar ng relokasyon ang kaukulang LGU sa nasasakupan nito.
At kapag wala talagang matukoy na relocation site sa nasasakupan ng LGUay saka pa lang maghahanap ng posibleng relocation site sa labas ng sakop ng LGU.
Hindi dapat tawaran ang kahalagahan ng probisyong ito sapagka’t kalimitan, bagama’t kumpleto sa pasilidad gaya ng tubig at elektrisidad ang relocation site, sobrang layo naman ang pinaglipatan sa lugar ng kanilang hanap-buhay kaya’t naandoon pa din ang matinding pagtutol sa paglipat ng tirahan.
Ito ay nagbibigay ng pakiramdam na parang kuting na itinapon lamang sa kapitbahay kahit na may kakayanan namang maglaan ng lugar na malapit sa hanap-buhay ang LGU na nakakasakop sa kanila.
Mahalaga rin na magkaroon ng proseso ng relokasyon na makatao at katanggap-tanggap sa mga apektadong iskuwater.
Ang di katanggap-tanggap na proseso ng relokasyon ang kadalasang nagiging mitsa ng “resistance” sa bahagi ng mga iskuwater kaya nagiging marahas ang eviction.
Kasama sa prosesong ito ang dayalogo at konsultasyon hinggil sa kabuhayan, basic services, tubig, at kuryente, maging ang distansiya ng mga eskwelahan at pamilihan.
Sa aking panukalang batas, kasama rin ang mga condominium projects sa mga inaatasang maglaan ng 20 porsiyento ng mga proyekto nito para sa socialized housing.
Mapapansin ninyo na kaloob ng panukalang batas hindi lamang ang makataong implementasyon ng eviction ng mga iskuwater at demolisyon ng kanilang mga barong-barong, ganun din sa pagkakaloob ng mga malinaw na tuntunin sa pagpapatupad ng urban development at housing programs ng pamahalaan.
Ako po ay naniniwala na sa panukalang batas na ito, makakakasulong na ang Kongreso para muling siyasatin ang problema ng mga mahihirap, kabilang na ang ating mga informal settlers, upang mabigyan na pagkakataon na sila ay magkaroon ng mg tirahang masasabi na nilang tahanan.
(Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tanada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.)