Pagpapahalaga sa mga may kapansanan sa paningin

    1955
    0
    SHARE

    Tuwing tayo ay may nakakasalamuhang bulag, ‘di ba’t normal lang na kaawaan natin? Nakikita natin ang hirap nila kung kumilos, kumain, maligo, makipagkapwa-tao, o kaya’y dumiskarte at manligaw.

    Ganyan din ang nangyayari sa mga sobra nang labo ang paningin at nasa kategorya ng  “visually impaired” – o halos  bulag na rin  dahil ang nakikita na lang nila ay liwanag o anino.

    Ngunit  mga kabalen, higit pa sa  awa ang dapat nating iparamdam sa kanila.

    Unang una, dapat nating gabayan ang mga  bulag at visually impaired na  mabigyan ng pagkakataong matulungan ang kanilang mga sarili. Dapat maranasan nila ang ganda ng buhay sa kabila ng kanilang mga bitbit na kapansanan.

    Para bang madaling gawin pero ito’y masisimulan lang  kung tayo mismo ay buong loob na susuporta  sa kanilang pakikibaka sa buhay.

    Kailangan natin silang tulungang  maranasan naman ang maging masaya, masigla, at umasa na may magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila.

    Naiusulat ko ang tungkol sa mga bulag at lahat ng mga may kapansan sa paningin dahil nakakabahala po ang mga impormasyong nakarating sa aking tanggapan.  Ayon sa National Statistics Office (NSO), sa bawat 100 Pilipino, 12 ang may kapansanan sa paningin.

    Apat na porsyento dito ay bulag (o totally blind), samantalang walong porsyento ay partially blind.

    Nangangahulugang  88 % na lamang sa ating populasyon ang normal ang paningin. Kabilang pa sa kabuuang 12% na visually impaired ay yung mga ipinanganak nang may kapansanan sa mata.

    Ang ilan naman ay mga nangabulag o na-apektuhan ang paningin sanhi ng aksidente, samantalang ang iba nama’y lumabo ang paningin dala ng pagtanda. Tulad ng mga may karamdamang “macular degeneration.”

    Ang macular degeneration ay panlalabo ng paningin sanhi ng pagtanda. Hindi na ito kaya ng operasyon. ‘Di tulad ng katarata, na makaraang maoperahan ay lilinaw muli ang paningin.

    Maintenance eye drops ang gamot sa macular degeneration, at ito ay upang mapigilan ang tuluyang pagkabulag.

    Ang mga katandaan (elderly) na dumaranas ng macular degeneration, tulad ng ibang may problema sa paningin, ay nakababanaag lamang ng liwanag at hindi detalyado ang nakikita.

    Nasasaktan ang mga mata nila sa liwanag ng sikat ng araw. Kaya nga sila madalas makikitang suot ang “sunglasses.”

    Minsan iisipin natin isnabero sila kung ‘di tayo pinansin kapag nasalubong natin. Ngunit ang totoo, hindi nila tayo makikilala, maliban na lamang kung nabosesan tayo.

    Bandang hapon pa lang tila takipsilim na sa kanila, at kadalasa’y alas-singko pa lang gutom na’t gusto nang maghapunan dahil pakiramdam nila’y gumagabi na.

    Sabi ng mga doktor, kasaba’y sa pag-edad ang pagtanda ng internal organs, kasama na ang mata.

    Marami sa mga visually impaired ang mainitin ang ulo. Kaunting bagay lang ikinaiinis na nila dahil sa feeling of frustration bunsod ng kanilang nasasabing “kakulangan.”

    Sa Kongreso po, nagsulong na nga pala ako ng isang panukalang batas, ang ng House Bill 221, na naglalayong matulungan ang mga bulag at visually impaired na makapag-withdraw ng pera sa mga automated teller machines (ATMs) nang nag-iisa.

    Pwede  itong mangyayri  sa tulong ng teknolohiya na ipatutupad sa pamamagitan ng isang batas.

    Ang kailangan lang ay lapatan ng kakayahan ang mga ATM na maging audio-sensitive at magresponde sa boses o “auditory signals” at maisasagawa na ang isang financial transaction kahit ng isang bulag.

    Bibigyan pa ba natin ng pagkakataon ang mga masasamang tao na maagawan ng pera ang isang bulag na nagpatulong lang mag-withdraw ng kanyang pera sa ATM?

    Ito po ang nakasaad sa H.B. 221: “By giving the visually impaired access to ATMs through an auditory system of conveying and receiving information, not only their financial transactions but their re-integration into the mainstream of society will be greatly facilitated.”

    Sa huling pagtataya ng NSO noong 2005, nasa 12 milyong Pilipino ang may kapansanan sa paningin. Kaya’t kung maisasa-batas na ang H.B. 221, maaring 12 milyon din ang makikinabang dito.

    Dagdag pa rito ang pagiging higit na “disabled-friendly” ng ating bansa at pinatitibay nito ang foundation for social justice sa ating pamahalaan!

    Ako po ay naniniwala na buong loob pong susuporthahn ng aking mga kasamahan sa House of Representatives ang H.B. 221, na kilala din bilang “ATM Access for the Visually Impaired Act.”

    Panahon na upang kaming mga mambabatas ay lubusin na ang pagtulong sa mga may kapansanan. 

    Kaugnay pa rin ng mga nabanggit ko, ipina-aalala ko sa inyo mga kabalen na tuwing ika-1 ng Agosto ay ipinagdiriwang sa bansa ang White Cane Safety Day. Ito ay upang ipaabot na rin ng pamahalaan sa buong bansa ang pagpapahalaga nito sa ikabubuti ng mga visually impaired.

    At tuwing ika-15 ng Oktubre, kabilang ang Pilipinas sa buong mundo sa pakikibahagi sa paggunita ng World White Cane Safety Day.

    Ang pag-agapay natin sa mga payak ngunit mahalagang pangangailangan ng mga bulag at visually impared ay bahagi ng pakikiisa natin sa pagpapalaganap ng hustisyang panlipunan.

    Ang ATM Access for the Blind Act ay patunay sa layuning pagiging tapat ng pamahalaan sa tungkulin nitong gawing mas makatao ang ating lipunan, lalo na para sa mga kapwa Pilipino nating may kapansanan.

    Maaaring ang mga materyal o pisikal na bagay at kaanyuhan ay hindi nakikita ng isang bulag. Ngunit kung mabibigyan natin sila ng kakaibang sigla, sa tulong ng mga panukalang tulad ng House Bill 221 na dapat ay maisabatas sa lalong madaling panahon, tunay nga nating masasabing ang mga bulag at lahat ng may mga kapansanan sa paningin ay may magandang bukas na naghihintay sa ating lipunan.

    (Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tañada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here