Home Headlines P200-M pekeng sigarilyo, makinarya nasamsam sa NE

P200-M pekeng sigarilyo, makinarya nasamsam sa NE

1420
0
SHARE

(Sinusuri ni BOC Commissioner Isidro Lapeña ang makinarya sa paggawa ng iligal na sigarilyo na natuklasan sa Barangay Pambuan, Gapan City, Nueva Ecija. Kuha ni Armand M. Galang)

GAPAN CITY – Pinangunahan nina Bureu of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña at Mayor Emerson Pascual ang inspeksiyon sa may sa P200-milyong mga makina at pekeng sigarilyo na nakumpiska ng ahensiya sa Barangay Pambuan, lungsod na ito nitong Lunes.

Ayon kay Lapeña, 17 Chinese national, kabilang ang isang babae, na manggagawa sa iligal na pagawaan ng sigarilyo ang naaresto sa operasyon ng BOC Enforcement and Security Services (ESS).

Sa inspeksiyon ay tumambad sa kanila ang anim na makina sa paggawa ng sigarilyo, mga produkto, at mga huwad na stamp ng Bureau of Internal Revenue at BOC.

Kinilala naman ang mga naarestong manggagawa na sina Huang Hui, Xu Xing Yi, Chen Zhi Jian, Wu Shao Jin, Huang Ci Shun, Cai Yi Ming, Chen Quian Tao, Luo Shan You, Yi Fa Ming, Chen Fu Hua, Xie Han, He Xiao Bo, Zheng Man Hu, Luo Han Ping, Qiao Dong, Chen Chong, at Du Zhen Xin na nasa kustodiya ngayon ng Gapan City police station habang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 o ang batas hinggil sa IPR o Intellectual Property Rights.

Ayon kay Lapeña, isinagawa ang paglusob sa iligal na pagawaan ng sigarilyo nitong Ika-17 ng Agosto matapos ang tatlong linggong pagmamanman batay sa impormasyon ng concerned citizen.

Tinatayang nakagagawa ng 400 master case ng sigarilyo kada araw ang mga makita.

Hindi pa pinangalanan ni Lapeña ang may-ari ng iligal na negosyo ngunit may 15 araw raw ito mula sa araw ng inspeksiyon upang magpresinta ng mga dokumento. Kung hindi, tuluyan na itong kukumpiskahin at dahil ito ay paglabag sa IPR ay wawasakin ang mga produkto at makinarya.

Wala raw ideya ang BOC kung gaano karami ang iligal na pagawaan ng sigarilyo sa bansa ngunit may mga nauna na raw silang nasamsam, karamihan dito ay sa lalawigan ng Bulacan.

Nagpasalamat naman si Pascual sa BOC sa matagumpay na operasyon at pag-iibayuhin pa aniya ng lokal na pamahalaan ang pagbabantay laban sa ganitong mga iligal na gawain.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here