SA PANGKA-kagipitang pulong na ginanap
nitong Lunes, Hulyo 23, sa may Max’s
O.G. Road, CSFP, na itinawag
ni Gob ‘Nanay Baby, nakadalo lahat
Ang mga mayors ng apektadong bayan
sa bahang dulot ng malakas na ulan,
sanhi ng ‘tropical cyclones’ Josie’t Inday
na nagpabaha sa maraming barangay.
Sa mahigit sisentang barangay, ang lubog
sa biglang paglaki ng tubig sa ilog
at sapa dahil sa malakas na buhos
ng ulan, Masantol ang pinakalubog.
Lubao, Macabebe, Guagua at Apalit
apektado rin sa mataas na tubig
na kaya pigil ang dati ay mabilis
ang agos papuntang dagat, ngayon ipit.
At di kagaya nang noon ay hindi pa
barado ang ilog sa lahar at saka
iba’t-iba pa r’yang uri ng basura
na itinatapon na lamang d’yan basta.
At maging ang iba pang daanang tubig
na tulad ng sapa, ‘drainage’ at saka ‘creek,’
‘silted’ na sa lahar at maruming putik,
na inilaglag ng ibang nagwawalis.
Pero kung ang bawat mga kabarangay
ay magkarun ng malasakit na tunay
para sa sariling mga pamayanan
ang ganyan ay ganap nating maiwasan.
Kaya nga, kung itong pagnanais ni Gob
na maiwasan ang parating paglubog
ng ibang bayan ng Pampanga, kumilos
ang lahat nang ngayon ay tutulog-tulog.
Kung saan ayon sa ating Gobernador
ay ‘dredging’ sa ilog ang tanging solusyon,
kasama pati na sapa upang itong
lahar at putik sa ilalim, iahon.
Dahil hangga’t ubod ng babaw ang ilog
at mga sapa na daanan ng agos
papunta sa dagat, pagsapit ng unos
ng bagyo at ulan, baha ang kasunod.
Lahat ng dumalo sa naturang pulong,
wala ni isa ang hindi sumang-ayon
sa panukala niyang ipahukay itong
lahat na ng sapa mula sa San Simon
Patungong Minalin, Guagua at Sasmuan
na daanan nitong malakas na ulan,
papunta sa dagat nang lubos maibsan
ang problema nating mga Kapampangan.
Kaya mapalad ang Pampanga sa lahat
ng pamayanan na malapit sa dagat,
sa puntong sila ay mayroong katulad
na Gob na aktibo at ubod ng sipag.
Na tunay naman ding ‘sincere’ sa serbisyo
at matapat na paglilingkod sa tao
ang adbokasya niya sa pangungubyerno
bilang ‘public servant’ na sadyang totoo!