Mahal kong Tatay

    791
    0
    SHARE

    I have not written a piece in this column for the past five months. Bong Lacson, who is now our Editor (Joey Aguilar bidding goodbye for Qatar to join his wife), always reminds me of the writer’s block.

    I pushed myself to write but nothing really came out. Until I decided to write a personal letter to my father which I am publishing now.

    It is about time to be open about his condition, as this may help others understand people who are suffering from memory loss.

    Father’s Day na, Tay. Ito ang araw na para sa iyo. Sana natatandaan mo pa ang mga nagdaang sulat ko sa iyo tuwing sasapit ang araw na ito.

    Marahil, tulad ng paglimot mo sa maraming bagay, nalimutan mo na rin ang mga nagdaang sulat ko.

    Gayunpaman, hindi naman ako magsasawa ng ipaalala sayo kung gaano ka kahalaga sa buhay ko.

    Isa kang magaling na supervisor noon sa pabrika ng tunawan ng bakal. Marsteel ang pangalan ng pinagtratrabahuhan mo doon sa Quezon City.

    Kasama mo pa sina Tito Mario na namayapa na ilang taon na ang nakakaraan at si Tito Senyong na siya na lamang natitira sa mga barkada mo.

    Naaalala mo ba ang kahirapan ng buhay noon? Napakasipag mo kaya naman naipagtaguyod mo ang pag-aaral naming limang magkakapatid. Kahit wala pang energy drink noon, nakukuha mong hindi mapagod kahit na kaunti lamang ang tulog mo.

    Kapag araw ng Sabado, araw ng sweldo, madalas meron kang pasalubong na mammon saka isang latang Milo na paborito namin. Madalas din na dalhan mo kami ng mga libro na hango sa mga kwento sa Lumang Tipan.

    Nakapag-abroad ka pa sa Bangladesh upang turuan ang mga tao doon na maglinang at humulma ng bakal.

    Kahit na hindi ka nakatapos ng kolehiyo, ikaw ang piniling UN Aid para ipadala sa bansang iyon dahil sa likas mong sipag at talino.

    Sa apat na taon na inilagi mo roon, naitaguyod mo ang pag-aaral namin at naipagpatayo mo kami ng bahay sa Novaliches. Matagal ka ring nanirahan sa California, kasama si Ate.

    Active ka rin sa simbahan at nagbibigay ka pa nga ng ostia. Napakahilig mo ring magbasa at malalim ang opinion mo sa pulitika.

    Unti-unti, nitong mga nagdaang tatlong taon, napansin ko ang pagbabago mo.

    Naging mainipin ka, malakas kumain, palaisip ng mga bagay na hindi kapanipaniwala, laging nakasapatos, mahilig mag-isa, at madalas mawala.

    Wag mo na lang munang subukang puntahan ang bahay mo sa Novaliches ng nag-iisa kasi palagi kang naliligaw.

    Mabuti na lamang at lagi mong dala ang papel na ibinilin ko sayo kung saan nakasulat ang aming mga telepono. Salamat na rin sa mga gwardia, tindera at tambay na tinatawagan kami para sunduin ka kung nasaan ka man.

    Tay, noong una, hindi ko maintindihan kung bakit lagi kang mayroon kaluskos na naririnig sa gabi; kung bakit lahat ng tao ay pinagbibintangan mo na may gagawing masama sayo; kung bakit ayaw mong magtanggal ng sapatos kahit na matutulog ka na; kung bakit ka nakakaubos ng 10 kape sa isang araw; kung bakit ka nakikipagusap sa mga kambing; kung bakit ka nagsasalita ng mag-isa at minsan naman ay sobrang tahimik; kung bakit laging “I’m okey” o kaya ay “Yeah, naaalala ko” ang mga sagot mo sa tanong ko; kung bakit madalas kang magtago ng mga kung anu-anong bagay; kung bakit iba na ang iyong mga kutob at interpetasyon sa mga bagay na nakikita mo; at kung bakit gusto mo lagging umalis ng mag-isa.

    Pero ngayon, mas kilala na kita. Isa-isa mang nawawala ang mga ala-ala mo, kahit hindi ko man alam kung ano nasa isipan mo, basta ang lagi mong tatandaan, hindi ako mawawala sa tabi mo.

    Narito lang ako palagi, kasama ng pamilya ko at ng mga kapatid ko. Mahal na mahal ka namin at lagi ka naming babantayan at aalagaan. Alam ko na darating ang panahon na tuluyan kang mawawalan ng memorya.

    Lalamunin ka nang sakit mong Alzheimer. Kapag tuluyang dumating ang panahon na iyon, at kahit hindi mo na rin ako kilala at natatandaan, asahan mo na hindi kita pababayaan.

    Dahil ikaw ang aking ama, galling ako sa iyong dugo, pinalaki ako ng iyong pawis, at ginabayan ng iyong kalinga. Happy Father’s Day, Tatay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here