Mga pelikulang basura

    635
    0
    SHARE
    Walang ipinag-iba ang karamihan ng pelikulang Pilipino sa basura. Bago ako magbakasyon dito sa tate, kabilinbilinan ng ate ko na ibili ko siya ng mga pelikulang pinoy. Mga love story at comedy ang gusto nya. Kaya naman halos pinakyaw ko na sa SM Pampanga ang mga vcd ng pelikulang pinoy: Tanging Ina 2 ni Ai-Ai, Bahay Kubo ni Maricel Soriano, For the First Time ni KC, A Very Special Love ni Sarah, I’ve Fallen for You ni Kim Chiu at ni Gerard Anderson, When Love Begins ni Aga, Batanes ni Iza Calsado, at Caregiver ni Sharon. Yan ang mga nasa listahan ng kapatid kong film buff. Kaya bawat gabi rito sa Dublin, California, torture ang inabot ko nang inumpisahan na nyang panoorin isa-isa.

    Una naming pinanood ang Tanging Ina 2 dahil ito ang siyang naging top grosser sa nakaraang Filmfest. Isang ina si Ai-ai na maraming anak, naging kasambahay sa Malacanang (o mas mainam kung kasimpalasyo), nasaksihan ang pagpatay sa Presidente at ibinulgar kung sino ang nasa likod nito, lumaban sa isang snap election, naging Presidente, nagkaroon ng di mo mawaring cabinet members, pinatakbo ang bansa, konting conflict sa mga anak, nag-resign at naging isang ulirang ina.

    Nakakabwisit ang istorya at napaka inconsistent ng mga plot. Parang ginagago lang tayo ng writer at ng director. Siguro isang araw lang ginawa ang pelikulang ito. At ang mga jokes…ewan! Ganito na ba tayo kabobobo at nagiging top-grosser ang ganitong pelikula?

    Dapat ay comedy ito pero imbes na matuwa ako, sumakit lang ang loob ko. Pakiramdam ko ay minomolestya ng pelikulang ito ang pag-iisip ng mga Pinoy. Mas dapat siguro ang pamagat nito ay Tang@%$.

    Pangalawang basura ay ang A Very Special Love ni Sarah Geronimo. Ginampanan niya ang isang ordinaryong empleyado na niligawan ng kanyang boss na mayaman. Hanggang ngayon, pinapaasa pa rin ng pelikulang ito ang mga Pinoy sa istorya ni Cinderella. Parang ganoon na lang kadali ang pag-ibig… konting pa cute, konting pa-care, konting tampo, at mala-Pretty Woman na ending. Mabuti na lang at magaling umarte yung John Lloyd Cruz kahit na mukhang fake yung buhok nya. Balita ko ay may part 2 na ito. Naman!

    Medyo basura ay ang pelikula ni KC. Masyadong mababaw at walang emosyon ang pagganap ng dalawang bida. Malaki pa naman ang ekspektasyon ko sa mga batang ito dahil nananalaytay sa kanilang mga ugat ang artistang dugo ng kanilang mga magulang.

    Mabuti na lamang at ipinakita ang napakagandang lugar sa Greece, pero wala naman itong kaugnayan sa pelikula. Madalas pa, hindi kontrolado ang mga tao sa paligid na halatang nanonood sa bawat eksena… marahil nagtataka kung bakit may camera at may umaarte. Kahit sa Greece, maraming uzi.

    Maganda sana ang plot tungkol kay KC na noong 15 years old pa lang ay nabaliw sa pag-ibig na ikinagalit ng amang si Philip Salvador. Pero hindi ito masyadong binigyan ng diin kaya kung saan-saan bumabaling ang kwento. Pati yung mga walang kawawaang patawa ng dalawang sidekicks, ang corny talaga.

    Ganoon din ang kina Kim Chiu at Gerard Anderson. Mga aktor ba itong mga ito? Dapat yatang ipaalam sa kanila na ang pag-arte ay hindi nadadala sa pasigaw-sigaw at sa movement ng mga kamay. Mabuti na lang at magagaling ang mga supporting actors nila. Sa kabuuan, nakakadismaya. Pelikula ba ito o isang karaniwang teen episode sa TV?

    Yung kay Aga at Anne Curtis, okey naman ang tema. May pagka-social relevance ang dalawang panig (environmental protection kay Aga at urban development sa ama ni Anne). Maganda rin na ipinakita ang kakaibang uri ng relasyon – walang commitment, walang pakialaman, walang selosan. Pure companionship at sexual. Mabuti na lamang at dinahan-dahan ang pag-usbong ng tunay na pag-ibig… umaayon sa ganda ng Boracay ang karakter ng mga bida.

    Pero yung acting ni Aga, walang pinagbago kahit na noong una syang gumanap sa Bagets noong 80’s. Ewan ko lang kay Anne Curtis kasi do ko pa sya nakitang umarte sa ibang pelikula. Bakit ba ang mga artista natin ay hindi tulad nina Meryll Streep, Hilary Swank o Jack Nicholson na nawawala ang katauhan sa bawat karakter na kanilang ginagampanan?

    Sa mga kasalukuyang pelikulang tagalog, sina Vic Silayan, Ronaldo Valdez, Bembol Rocco, Jerico Rosales, Cherrie Pie Picache, Jacklyn Jose, Aiko Melendez at ang baguhang si Baron Geissler pa lamang ang ilan sa mga nakitaan ko ng kagalingan sa pag-arte. Ang rating ko sa pelikulang ito ni Aga ay pwede na.

    Yung Batanes ni Iza Calsado, Bahay Kubo ni Maricel at Caregiver ni Sharon, maganda ang istorya at ang pagkakagawa. Magaling na artista yung babaeng bida sa Batanes na ipinares sa isang sikat na artistang Taiwanese, si Ken Chu.

    Mabagal man ang takbo ng pelikula, sumasalamin lamang ito sa mabagal na pag-ikot ng mundo o ng kawalan nito sa napakagandang isla ng Batanes. Sa bahay Kubo at Caregiver, halata mong walang ipinag-iba ang atake nina Maricel at Sharon sa kanilang mga karakter at sa iba pa nilang mga pelikula.

    Pero nakabawi ang magandang direksyon sa agos ng pelikula. Magaling din ang mga nagsiganap na suporta. Hindi magulo, hindi mabagal, may lohika. Rekomendado ang tatlong pelikulang ito pero hindi naman masasabing maipagmamalaki.

    Maraming batayan ang pagiging maganda ng isang pelikula. Dapat ay sumasalamin ito sa buhay ng lipunan…dapat may lohika ang takbo ng istorya, may katuturan sa kultura, pamilya, personal na ekperiensa, sa bayan, o sa lipunan. Nandyan na mamahalin mo, iiyakan mo, tatawanan mo, katatakutan mo o ikagagalit mo.

    Dapat ang pelikula ay hindi nanloloko ng tao, hindi nag-aagrabiyado sa ibinayad ng bawat nanonood, pumupukaw sa isipan at nagpapayabong ng katuturan…personal man o pang-pamayanan. Kaya hiling ko lang sana, huwag na natin tangkilikin ang mga basurang pelikula upang iparamdam natin sa mga producer nito na tayo ay may pakiramdam din at hindi magpapaloko sa kanilang pang-aabuso.

    Kung paiiralin natin ang kasalukuyang kahibangan sa pagtangkilik ng pelikula sa darating na eleksyon, malamang ang mahalal na pangulo ay isa ring basura.



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here