Ito ang ipinamalas ng mga dating BALAS boys
Na lumusob sa loob ng Kapitolyo na parang mga hayok na buwitre
Hindi raw kasi mapakinggan ang kanilang mga hinaing
Na ilang buwan na rin namang idinadaing.
Ang kanilang walang patid na protesta sa Arnedo Park,
Ang gasolinang inuubos sa pag-iikot ng larawang kupas ni Panlilio at ni Dabu,
Ang mga maaanghang na pahayag na kung saan-saang sulok nakapaskil…
Bakit wari mo’y wala ngang pumapansin?
At kapag hindi napansin ang mga taong kulang nito…
Sa mukha mismo ng Gobernador nila idudukdok ang kanilang sentimiento.
Kahit pa ito makapanakot ng mga tao, makasakit o makainsulto,
Tila wala silang pakialam basta sila ay mapag-usapan lamang.
Kitang-kita sa pahayag ng Kapitolyo, na si Governor mismo ang nag-abiso-
Kakulangan sa kooperasyon ng Sangguniang Panlalawigan,
Hayagang kapabayaanan ng pamprobinsyang kapulisan,
Paglabag sa batas ng mga nagpo-protesta –
Hindi na raw dapat pang palagpasin at kailangan nang sugpuin.
Saan ba hahantong ang ganitong usapin?
Panawagan ni Governor sa Pangulo na si Singian ay tanggalin?
Sa Sangguniang Panlalawigan na huwag gawing Freedom Park ang Arnedo?
Sa mga nagpo-protesta na respetuhin ang batas at ang opisina ng Kapitolyo?
Si Governor na pinagbibintangan bobo at walang isang pangako?
Tapusin na ang palitan ng pagpuna, paninisi at kamalian.
Lapatan na ng hustisya ang mga nagkamali.
Gawan ng lunas ang mga hapdi at sugat na dulot nito.
Humahaba pa ang mitsa ng pasabog.
Baka kalaunan ay magmintis lamang ito.