Nakausap ng si Dingdong Dantes sa opening/blessing ng Reluxe Spa sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City, noong mismong Chinese New Year, February 10.
Si Perry Lansigan ang presidente nito, at kasosyo niya ang PPL talents tulad nina LJ Reyes, Gabby Eigenmann, Geoff Eigenmann, Rochelle Pangilinan, at Arthur Solinap.
Bilang boyfriend, paano niya napapa-relax si Marian?
"Paano nga ba? Hindi ko alam!" natawang sabi ni Dingdong.
"Hindi naman ako marunong magmasahe, hindi naman ako kumakanta, di ba?
"Siguro, watch movie… nakaka-relax din yun."
Siya naman, bukod sa pagpapa-spa, ano pa ba ang nakakapagpa-relax sa kanya?
"Music and tulog, at saka magagandang tanawin," sagot ni Dingdong.
Malapit nang magwakas ang primetime series ni Dingdong sa GMA-7, ang Pahiram Ng Sandali. Noong nakaraang episode ay ipinakitang namatay na ang karakter ni Christopher de Leon.
Bukod sa kung magkakaroon ba ng pagkakapatawaran, sinabi ni Dingdong na abangan na lang kung makikilala na nga ba siya ng tunay niyang ama sa serye na si Mark Gil.
"Feeling ko, nasa peak na ng story, nasa climax ang ipinapalabas ngayon.
"So, nandoon na lahat, abangan na lang talaga nila."
Sinasabing pinagsama-sama sa Pahiram Ng Sandali ang ilan sa pinakamahuhusay na artista sa Pilipinas—mapa-beterano man o baguhan.
Ano ang reaksiyon dito ni Dingdong?
"Noong umpisa pa lang talaga, sinabi na sa amin ang magiging direksiyon ng show.
"At kahit noong mga unang buwan, unang week, talagang we feel very lucky na makakasama namin ang magagaling talaga.
"And true enough, talagang lumabas lahat ng mga hinihintay ko, inaasahan ko mula sa kanila.
"Dahil sa kanila, para akong nanonood ng TV, pelikula, kapag nakakaeksena ko sila."
Paano niya gugustuhing tapusin ang teleserye nila, lalo na sa karakter niya bilang si Alex?
"Tama ang sinabi ni Max [Collins, his leading lady], kailangan forgiveness sa lahat.
"Kailangan, at the end of the day, intact ang family ninyo. Dahil kahit anuman ang mangyari, kayo at kayo pa rin ang magkakasama.
"At least, kapag nag-move forward ka, e, kasama mo ang mga magulang mo—nanay mo at the very least.
"Yung pag-ibig naman, kung anuman ‘yan, makakahanap ka… if hindi talaga para sa iyo, baka nga hindi.
Pero sana, umaasa si Alex na talagang magkabalikan sila."
Hindi ba nagiging dahilan ng selosan sa pagitan nila ni Marian ang kissing scenes nila sa kani-kanilang teleserye?
"Wala namang ganoon sa amin. Sa kanila yata meron," nakangiting sabi ni Dingdong.
Pero dugtong niya, "Walang ganoon. Ang tanda na namin… graduate na kami diyan."